Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Lucas 18:15-19:48

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

15 Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan niya ng kamay at pagpalain. Nang makita iyon ng mga tagasunod ni Jesus, sinaway nila ang mga tao. 16 Pero tinawag ni Jesus ang mga bata, at sinabihan niya ang mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. 17 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”

Ang Lalaking Mayaman(B)

18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”[a] 21 Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22 Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.

24 Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28 Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”

Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)

31 Tinawag ni Jesus ang 12 apostol at sinabi sa kanila, “Makinig kayo! Pupunta tayo sa Jerusalem, at matutupad na ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa akin na Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay ako sa mga hindi Judio. Iinsultuhin nila ako, hihiyain at duduraan. 33 Hahagupitin nila ako at papatayin, ngunit muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.” 34 Pero wala silang naintindihan sa mga sinabi ni Jesus, dahil itinago sa kanila ang kahulugan niyon.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag(D)

35 Nang malapit na sina Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, nagtanong siya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi sa kanya ng mga tao, “Dumadaan si Jesus na taga-Nazaret.” 38 Sumigaw ang bulag, “Jesus, Anak ni David,[b] maawa po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, pero lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, maawa po kayo sa akin!” 40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin sa kanya ang bulag. Nang makalapit ang bulag, tinanong niya ito, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” Sumagot ang bulag, “Panginoon, gusto ko pong makakita!” 42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakita ka na! Pinagaling[c] ka ng iyong pananampalataya.” 43 Nakakita siya agad, at sumunod siya kay Jesus nang nagpupuri sa Dios. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpuri rin sila sa Dios.

Si Zaqueo

19 Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”

Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(E)

11 Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12 Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’

14 “Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15 Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17 Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’[d] 22 Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24 Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25 Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26 Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”

Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(F)

28 Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32 Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34 Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36 Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37 Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.[e] Mayroon na tayong magandang relasyon[f] sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”

39 Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40 Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”

Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem

41 Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42 Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43 Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44 Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(G)

45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[g] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[h]

47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®