Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 1-4

Nabalitaan ni David ang pagbabaka sa Gilboa.

At nangyari, pagkamatay ni Saul, nang magbalik si David na mula sa (A)pagpatay sa mga Amalecita, at tumahan si David na dalawang araw sa Siclag;

Ay nangyari, sa ikatlong araw, na narito, ang isang lalake ay lumabas sa kampamento na mula kay Saul na (B)hapak ang kaniyang suot, at (C)may lupa ang kaniyang ulo: at nagkagayon, na nang dumating siya kay David, ay nagpatirapa at nagbigay galang.

At sinabi ni David sa kaniya, Saan ka nanggaling? At kaniyang sinabi sa kaniya, Sa kampamento ng Israel ay tumakas ako.

At sinabi ni David sa kaniya, Ano ang nangyari? isinasamo ko sa iyo na iyong saysayin sa akin. At siya'y sumagot: Ang bayan ay tumakas sa pakikipagbaka, at karamihan sa bayan naman ay nangabuwal at nangamatay; at si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay nangamatay rin.

At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya: Paanong nalalaman mo na si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay patay?

At sinabi sa kaniya ng binatang nagsaysay, Sa isang pagkakataon ay napasa bundok ako ng Gilboa, narito, si (D)Saul ay nagpakabuwal sa kaniyang sibat; at, narito, hinahabol siyang mainam ng mga karo at ng mga mangangabayo.

At nang siya'y lumingon, kaniyang nakita ako, at tinawag niya ako, at ako'y sumagot: Narito ako.

At sinabi niya sa akin, Sino ka? At ako'y sumagot sa kaniya, Ako'y isang Amalecita.

At kaniyang sinabi uli sa akin, Tumayo ka sa siping ko, isinasamo ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil sa dinatnan ako ng panglulumo; sapagka't ang aking buhay ay lubos ko pang taglay.

10 Sa gayo'y tumayo ako sa siping niya, at aking pinatay siya, sapagka't talastas ko na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal: at aking kinuha ang putong na nasa kaniyang ulo, at ang pulsera na nasa kaniyang kamay, at aking dinala rito sa aking panginoon.

11 Nang magkagayo'y tinangnan ni David ang kaniyang mga suot at pinaghapak; at gayon din ang ginawa ng lahat na lalake na kasama niya:

12 At sila'y tumangis, at umiyak, at nagayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kaniyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon, at dahil sa sangbahayan ng Israel; sapagka't sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

13 At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya, Taga saan ka? At siya'y sumagot: Ako'y anak ng isang taga ibang lupa, na Amalecita.

14 At sinabi ni David sa kaniya, Bakit hindi ka (E)natakot na (F)iunat mo ang iyong kamay na patayin ang (G)pinahiran ng langis ng Panginoon?

15 At tinawag ni David ang isa sa mga bataan, at sinabi, Lumapit ka, at daluhungin mo siya. At kaniyang sinaktan siya, na anopa't namatay.

16 At sinabi ni David sa kaniya, (H)Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagka't ang (I)iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

Ang panaghoy ni David kay Saul at kay Jonathan.

17 At (J)tinaghuyan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kaniyang anak:

18 (At kaniyang ipinaturo sa mga anak ni Juda ang awit sa pamamana (K)narito, nasusulat sa aklat ni Jaser):

19 Ang iyong kaluwalhatian, Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako!
Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan!
20 (L)Huwag ninyong saysayin sa Gath,
Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Ascalon;
(M)Baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay mangagalak,
Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay.
21 Kayong mga bundok ng Gilboa,
Huwag magkaroon ng hamog, o ulan man sa inyo, kahit mga bukid na mga handog:
Sapagka't diyan ang kalasag ng makapangyarihan ay nahagis ng kahalayhalay.
Ang kalasag ni Saul, na parang isa, na hindi (N)pinahiran ng langis.
22 Sa dugo ng pinatay, sa taba ng makapangyarihan,
Ang (O)busog ni Jonathan ay hindi umurong,
At ang tabak ni Saul ay hindi nagbalik na walang dala.
23 Si Saul at si Jonathan ay nagibigan at nagmagandahang-loob sa kanilang kabuhayan.
At sa kanilang kamatayan sila'y hindi naghiwalay;
(P)Sila'y lalong maliliksi kay sa mga agila,
(Q)Sila'y lalong malalakas kay sa mga leon.
24 Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
Na siyang sa inyo'y maselang na nagbihis ng escarlata,
Na siyang naggayak ng ginto sa inyong mga kasuutan.
25 Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan sa gitna ng pagbabaka!
Oh Jonathan, napatay ka sa iyong matataas na dako.
26 Ako'y namanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan:
Naging totoong kalugodlugod ka sa akin;
Ang iyong pag-ibig sa akin ay (R)kagilagilalas,
Na humihigit sa pagsinta ng mga babae.
27 Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan,
At nangalipol ang mga sandata na pandigma!

Si David ay ginawang hari sa Juda.

At nangyari, pagkatapos nito, na nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako sa alinman sa mga bayan ng Juda? At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Umahon ka. At sinabi ni David, Saan ako aahon? At kaniyang sinabi, Sa Hebron.

Sa gayo'y umahon si David doon, at pati ng kaniyang (S)dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

(T)At ang kaniyang mga lalake na kasama niya ay iniahon ni David bawa't lalake na kasama ang kanikaniyang sangbahayan: at sila'y nagsitahan sa mga bayan ng Hebron.

At (U)nagsiparoon ang mga lalake ng Juda, at kanilang pinahiran ng langis doon si David upang maging hari sa sangbahayan ng Juda. At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, (V)Ang mga lalake sa Jabes-galaad ay siyang naglibing kay Saul.

At nagsugo ng mga sugo si David sa mga lalake sa Jabes-galaad, at sinabi sa kanila, (W)Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, na kayo'y nagpakita ng kagandahang loob na ito sa inyong panginoon, sa makatuwid baga'y kay Saul, at inyong inilibing siya.

(X)At ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng kagandahang loob at katotohanan: at ako naman ay gaganti sa inyo nitong kagandahang loob, sapagka't inyong ginawa ang bagay na ito.

Ngayon nga, magsilakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang: sapagka't patay na si Saul na inyong panginoon, at pinahiran ng langis naman ako ng sangbahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.

Si Is-boseth ay hari sa Israel.

(Y)Kinuha nga ni Abner na anak ni Ner na kapitan sa hukbo ni Saul, si (Z)Is-boseth na anak ni Saul, at inilipat sa Mahanaim;

At kaniyang ginawa siyang hari sa Galaad, at sa mga Asureo, at sa Jezreel, at sa Ephraim, at sa Benjamin, at sa buong Israel.

10 Si Is-boseth na anak ni Saul ay may apat na pung taon nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari na dalawang taon. Nguni't ang sangbahayan ni Juda ay sumunod kay David.

11 At ang panahon na ipinaghari ni David sa Hebron sa sangbahayan ni Juda ay pitong taon at anim na buwan.

Si Abner ay tinalo ni Joab; hinagad ni Asael.

12 At si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Is-boseth na anak ni Saul, ay nangapasa (AA)Gabaon mula sa Mahanaim.

13 At si Joab na anak ni Sarvia, at ang mga lingkod ni David ay nagsilabas, at sinalubong sila sa siping ng tangke sa (AB)Gabaon; at sila'y naupo, na ang isa'y sa isang dako ng tangke, at ang isa'y sa kabilang dako ng tangke.

14 At sinabi ni Abner kay Joab, Isinasamo ko sa iyo na bumangon ang mga bataan at magsanay ng tabak sa harap natin. At sinabi ni Joab, Bumangon sila.

15 Nang magkagayo'y bumangon sila at tumawid ayon sa bilang; labing dalawa sa Benjamin, at sa ganang kay Is-boseth na anak ni Saul, at labing dalawa sa mga lingkod ni David.

16 At hinawakan sa ulo ng bawa't isa sa kanila ang kaniyang kaaway, at isinaksak ang kaniyang tabak sa tagiliran ng kaniyang kaaway; sa gayo'y nangabuwal sila na magkakasama: kaya't ang dakong yaon ay tinatawag na Helcath-assurim na nasa Gabaon.

17 At ang pagbabaka ay lumalalang mainam nang araw na yaon; at si Abner ay nadaig, at ang mga lalake ng Israel sa harap ng mga lingkod ni David.

18 At nandoon ang (AC)tatlong anak ni Sarvia, si Joab, at si Abisai, at si Asael: at si Asael ay (AD)magaan ang paa na gaya ng mailap na usa.

19 At hinabol ni Asael si Abner; at sa pagyaon, siya'y hindi lumihis sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.

20 Nang magkagayo'y nilingon ni Abner, at sinabi, Ikaw ba'y si Asael? At siya'y sumagot: Ako nga.

21 At sinabi ni Abner sa kaniya, Lumihis ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at iyong tangnan ang isa sa mga bataan, at kunin mo ang (AE)kaniyang sakbat. Nguni't ayaw ni Asael na humiwalay sa pagsunod sa kaniya.

22 At sinabi uli ni Abner kay Asael, Lumihis ka sa pagsunod sa akin: bakit nga kita ibubulagta sa lupa? paanong aking maitataas nga ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?

23 Gayon ma'y tumanggi siyang lumihis: kaya't sinaktan siya ni Abner (AF)sa tiyan ng dulo ng sibat, na anopa't ang sibat ay lumabas sa likod niya; at siya'y nabuwal doon at namatay sa dako ring yaon: at nangyari, na lahat na naparoon sa dakong kinabuwalan ni Asael at kinamatayan, ay nangapatigil.

24 Nguni't hinabol ni Joab at ni Abisai si Abner: at ang araw ay nakalubog na nang sila'y dumating sa burol ng Amma, na nasa harap ng Gia sa siping ng daan sa ilang ng Gabaon.

25 At ang mga anak ng Benjamin ay nagpipisan sa likuran ni Abner, at nagisang pulutong, at nagsitayo sa taluktok ng isang burol.

26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at nagsabi, Mananakmal ba ang tabak magpakailan man? hindi mo ba nalalaman na magkakaroon ng kapaitan sa katapusan? hanggang kailan mo nga pababalikin ang bayan na mula sa pagsunod sa kanilang mga kapatid?

27 At sinabi ni Joab, (AG)Buhay ang Dios, kung hindi mo sana sinalita ay tunay nga na umalis disin ang bayan sa kinaumagahan, o sinundan man ng sinoman ang bawa't isa sa kaniyang kapatid.

28 Sa gayo'y hinipan ni Joab ang pakakak, at ang buong bayan ay tumigil, at hindi na hinabol ang Israel, o sila man ay lumaban pa.

29 At si Abner at ang kaniyang mga lalake ay nagdaan buong gabi sa Araba; at sila'y nagsitawid ng Jordan, at nagsidaan sa buong Bitron, at nagsidating sa (AH)Mahanaim.

30 At bumalik si Joab na humiwalay ng paghabol kay Abner: at nang kaniyang mapisan ang buong bayan, nagkulang sa mga lingkod ni David ay labing siyam na lalake at si Asael.

31 Nguni't sinaktan ng mga lingkod ni David ang Benjamin, at ang mga lalake ni Abner, na anopa't nangamatay ay tatlong daan at anim na pung lalake.

32 At kanilang iniahon si Asael, at inilibing nila siya sa libingan ng kaniyang ama, na nasa Beth-lehem. At si Joab at ang kaniyang mga lalake ay nagsiyaon buong gabi, at dumating sila sa Hebron sa kinaumagahan.

Ang sangbahayan ni David.

Nagkaroon nga ng matagal na pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David: at si David ay lumakas ng lumakas, nguni't ang sangbahayan ni Saul ay humina ng humina.

At (AI)nagkaanak si David sa Hebron: at ang kaniyang panganay ay si Amnon kay (AJ)Ahinoam na taga Jezreel;

At ang kaniyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na asawa ni Nabal na taga Carmelo; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maacha na anak ni Talmai na hari sa (AK)Gessur;

At ang ikaapat ay si (AL)Adonias na anak ni Haggith; at ang ikalima ay si Saphatias na anak ni Abital;

At ang ikaanim ay si Jetream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.

At nangyari, samantalang may pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David, na si Abner ay nagpakalakas sa sangbahayan ni Saul.

Si Saul nga ay may babae na ang pangalan ay (AM)Rispa, na anak ni Aja: at sinabi ni Is-boseth kay Abner, Bakit ka (AN)sumiping sa babae ng aking ama?

Nang magkagayo'y nagalit na mainam si Abner dahil sa mga salita ni Is-boseth, at sinabi, (AO)Ako ba'y isang ulo ng aso na nauukol sa Juda? Sa araw na ito ay nagpapakita ako ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Saul na iyong ama, sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David, at gayon ma'y iyong ibinibintang sa araw na ito sa akin ang isang kasalanan tungkol sa babaing ito.

(AP)Hatulan ng Dios si Abner, at lalo na, malibang gawin kong gayon sa kaniya, na (AQ)gaya ng isinumpa ng Panginoon kay David;

10 Na ilipat ang kaharian mula sa sangbahayan ni Saul, at itatag ang luklukan ni David sa Israel, at sa Juda (AR)mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.

11 At hindi siya nakasagot kay Abner ng isang salita, sapagka't siya'y natakot sa kaniya.

Naghimagsik si Abner.

12 At si Abner ay nagsugo ng mga sugo kay David, sa ganang kaniya, na sinasabi naman, Makipagtipan ka sa akin, at, narito, ang aking kamay ay sasa iyo, upang dalhin sa iyo ang buong Israel.

13 At kaniyang sinabi, Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo; nguni't isang bagay ang hinihiling ko sa iyo, na ito nga: huwag mong titingnan ang aking mukha, maliban na iyo munang dalhin (AS)si Michal na anak na babae ni Saul, pagparito mo upang tingnan ang aking mukha.

14 At nagsugo ng mga sugo si David kay Is-boseth na anak ni Saul, na sinasabi, Isauli mo sa akin ang aking asawa na si Michal, na siyang aking pinakasalan (AT)sa halaga na isang daang balat ng masama ng mga Filisteo.

15 At nagsugo si Is-boseth, at kinuha siya sa kaniyang asawa, kay (AU)Paltiel na anak ni Lais.

16 At ang kaniyang asawa'y yumaong kasama niya na umiyak habang siya'y yumayaon, at sumusunod sa kaniya hanggang sa (AV)Bahurim. Nang magkagayo'y sinabi ni Abner sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka: at siya'y bumalik.

17 At nakipag-usap si Abner sa mga matanda sa Israel, na sinasabi, Sa panahong nakaraan ay inyong hinanap si David upang maging hari sa inyo:

18 Ngayon nga ay inyong gawin: sapagka't sinalita ng Panginoon tungkol kay David, na sinasabi, Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at sa kamay ng lahat nilang mga kaaway.

19 At nagsalita naman si Abner sa pakinig ng (AW)Benjamin: at si Abner naman ay naparoong nagsalita sa pakinig ni David sa Hebron ng lahat na inaakalang mabuti ng Israel, at ng buong sangbahayan ni Benjamin.

20 Sa gayo'y naparoon si Abner kay David sa Hebron, at dalawang pung lalake ang kasama niya. At ginawan ni David ng isang kasayahan si Abner at ang mga lalake na kasama niya.

21 At sinabi ni Abner kay David, Ako'y babangon at yayaon, at aking pipisanin ang buong Israel sa aking panginoon na hari, (AX)upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang iyong pagharian ng buong ninanasa ng iyong kaluluwa. At pinayaon ni David si Abner; at siya'y yumaong payapa.

Si Abner ay pinaghinalaan ni Joab at pinatay.

22 At, narito, ang mga lingkod ni David at si Joab ay nagsidating na mula sa isang paghabol, at may dalang malaking samsam: nguni't si Abner ay wala kay David sa Hebron, sapagka't pinayaon niya siya, at siya'y yumaong payapa.

23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay magsidating, kanilang isinaysay kay Joab, na sinasabi, Si Abner na anak ni Ner ay naparoon sa hari, at siya'y pinayaon at siya'y yumaong payapa.

24 Nang magkagayo'y naparoon si Joab sa hari, at nagsabi, Ano ang iyong ginawa? narito, si Abner ay naparito sa iyo; bakit mo pinayaon siya, at siya'y lubos na yumaon?

25 Nalalaman mo si Abner na anak ni Ner ay naparito upang dayain ka at upang maalaman ang (AY)iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang maalaman ang lahat na iyong ginagawa.

26 At nang lumabas si Joab na mula kay David, siya'y nagsugo ng mga sugo na sumunod kay Abner, at kanilang ibinalik siya na mula sa balon ng Sira: nguni't hindi nalalaman ni David.

27 At nang bumalik si Abner sa Hebron, ay dinala siya ni Joab na bukod sa gitna ng pintuang-bayan upang makipagsalitaan sa kaniya ng lihim, at sinaktan niya siya roon sa tiyan, na anopa't siya'y namatay, dahil sa dugo ni (AZ)Asael na kaniyang kapatid.

28 At pagkatapos nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinabi, Ako at ang aking kaharian ay walang sala sa harap ng Panginoon magpakailan man sa dugo ni Abner na anak ni Ner:

29 (BA)Bumagsak sa ulo ni Joab, at sa buong sangbahayan ng kaniyang ama; at huwag na di magkaroon sa sangbahayan ni Joab (BB)ng isang inaagasan, o ng isang (BC)may ketong, o ng umaagapay sa isang tungkod, o nabubuwal sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay.

30 Sa gayo'y pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kaniyang kapatid, sapagka't pinatay niya ang kanilang kapatid na si (BD)Asael sa Gabaon, sa pagbabaka.

Nanangis si David dahil kay Abner.

31 At sinabi ni David kay Joab at sa buong bayan na kasama niya: (BE)Hapakin ninyo ang inyong mga suot, at (BF)magbigkis kayo ng magaspang na damit, at magluksa kayo sa harap ni Abner. At ang haring si David ay sumunod sa kabaong.

32 At kanilang inilibing si Abner sa Hebron: at inilakas ng hari ang kaniyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.

33 At (BG)tinangisan ng hari si Abner, at sinabi,

Marapat bang mamatay si Abner, na (BH)gaya ng pagkamatay ng isang mangmang?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi nangatatalian, o ang iyong mga paa man ay nangagagapos:
Kung paanong nabubuwal ang isang lalake sa harap ng mga anak ng kasamaan ay gayon ka nabuwal.

At iniyakan siyang muli ng buong bayan.

35 At ang buong bayan ay naparoon upang (BI)pakanin ng tinapay si David samantalang araw pa; nguni't sumumpa si David, na sinasabi, Hatulan ng Dios ako, at lalo na, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anomang bagay (BJ)hanggang sa ang araw ay lumubog.

36 At nahalata ng buong bayan, at minagaling nila: palibhasa'y anomang ginagawa ng hari ay nakalulugod sa buong bayan.

37 Sa gayo'y naunawa ng buong bayan at ng buong Israel sa araw na yaon, na hindi sa hari ang pagpatay kay Abner na anak ni Ner.

38 At sinabi ng hari sa kaniyang mga bataan, Hindi ba ninyo nalalaman na may isang prinsipe at mahal na tao, na nabuwal sa araw na ito sa Israel?

39 At ako'y mahina sa araw na ito, bagaman pinahirang hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni (BK)Sarvia ay (BL)totoong mahirap kasamahin: (BM)gantihan nawa ng Panginoon ang manggagawang masama ayon sa kaniyang kasamaan.

Ang pilay na anak ni Jonathan. Pinatay si Is-boseth.

At nang mabalitaan ni Is-boseth, na anak ni Saul, na si Abner ay patay na sa Hebron, (BN)ang kaniyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat na taga Israel ay nabagabag.

At si Is-boseth, na anak ni Saul, ay may dalawang lalake na mga punong kawal sa mga pulutong: ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng isa ay Rechab, na mga anak ni Rimmon na Beerothita sa mga anak ni Benjamin: ((BO)sapagka't ang Beeroth din naman ay ibinilang sa Benjamin:

At ang mga Beerothita ay nagsitakas sa (BP)Githaim, at nangakipamayan doon hanggang sa araw na ito.)

(BQ)Si Jonathan nga na anak ni Saul, ay may isang anak na pilay sa kaniyang mga paa. Siya'y may limang taon nang dumating ang balita tungkol kay Saul at kay Jonathan na mula sa Jezreel, at kinalong siya ng kaniyang yaya at tumakas: at nangyari, habang siya'y nagmamadali ng pagtakas, na siya'y nabagsak, at naging pilay. At ang kaniyang pangalan ay (BR)Mephiboseth.

At ang mga anak ni Rimmon na Beerothita, na si Rechab at si Baana, ay nagsiyaon at nagsiparoon ng may kainitan ang araw sa bahay ni Is-boseth, na doon siya nagpahinga sa katanghalian tapat.

At sila'y nagsipasok doon sa gitna ng bahay, na parang sila'y kukuha ng trigo; at kanilang sinaktan siya sa (BS)tiyan; at si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid ay nangagtanan.

Sapagka't nang sila nga'y magsipasok sa bahay habang siya'y nahihiga sa kaniyang higaan sa kaniyang silid, kanilang sinaktan siya, at pinatay siya, at pinugutan siya ng ulo, at dinala ang kaniyang ulo at nagpatuloy (BT)ng lakad sa Araba buong gabi.

At kanilang dinala ang ulo ni Is-boseth kay David sa Hebron, at sinabi nila sa hari, Tingnan mo ang ulo ni Is-boseth na anak ni Saul na iyong kaaway (BU)na umuusig ng iyong buhay; at ipinanghiganti ng Panginoon ang aking panginoon na hari sa araw na ito kay Saul, at sa kaniyang binhi.

At sinagot ni David si Rechab at si Baana na kaniyang kapatid, na mga anak ni Rimmon na Beerothita, at sinabi sa kanila, Buhay ang Panginoon (BV)na siyang tumubos ng aking kaluluwa sa buong kahirapan.

10 Nang saysayin sa akin (BW)ng isa, na sinasabi, Narito, si Saul ay namatay, na inakala niyang nagdala siya ng mabuting balita, ay aking hinawakan siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang kagantihang ibinigay ko sa kaniya dahil sa kaniyang balita.

11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalake ang isang matuwid na tao sa kaniyang sariling bahay, sa kaniyang higaan, hindi ko ba (BX)sisiyasatin ngayon ang kaniyang dugo sa inyong kamay, at aalisin kayo sa lupa?

12 At iniutos ni David sa kaniyang mga bataan, at pinatay nila sila, at pinutol ang kanilang mga kamay at ang kanilang mga paa, at mga ibinitin sa tabi ng tangke sa Hebron. Nguni't kanilang kinuha ang ulo ni Is-boseth, at inilibing sa (BY)libingan ni Abner sa Hebron.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978