Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 24

Ang bayan ay binilang.

24 (A)At ang galit ng Panginoon ay nagalab (B)uli laban sa Israel, at kaniyang kinilos si David laban sa kanila, na sinabi, Ikaw ay yumaon, iyong bilangin ang Israel at Juda.

At sinabi ng hari kay Joab na puno ng hukbo, na kasama niya, Magparoo't parito ka nga sa lahat ng mga lipi ng Israel, (C)mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan, upang aking maalaman ang kabuoan ng bayan.

At sinabi ni Joab sa hari, Ngayo'y dagdagan ng (D)Panginoon mong Dios ang bayan, sa gaano man karami sila, ng makaisang daan pa; at makita ng mga mata ng aking panginoon na hari: nguni't bakit nalulugod ang panginoon ko na hari sa bagay na ito?

Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. At si Joab at ang mga puno ng hukbo ay nagsilabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.

At sila'y nagsitawid ng Jordan, at nagsihantong sa (E)Aroer sa dakong kanan ng bayan na nasa gitna ng libis ng Gad, at sa Jazer:

Saka sila nagsiparoon sa Galaad, at sa lupain ng Tatimhodsi; at sila'y nagsidating sa Dan-jaan at sa palibot hanggang sa Sidon.

At nagsiparoon sa katibayan ng Tiro, at sa lahat ng mga bayan ng mga Heveo, at ng mga Cananeo; at sila'y nagsilabas sa timugan ng Juda, sa Beer-seba.

Sa gayon nang sila'y makapagparoo't parito na, sa buong lupain, ay nagsiparoon sila sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawang pung araw.

At ibinigay ni Joab sa hari ang bilang ng pagkabilang sa bayan; (F)at mayroon sa Israel na walong daang libo na matapang na lalake na nagsisihawak ng tabak; at ang mga tao sa Juda ay limang daang libong lalake.

10 At ang puso ni David ay sinaktan niya pagkatapos na kaniyang nabilang ang bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, (G)Ako'y nagkasala ng malaki sa aking nagawa: nguni't ngayo'y isinasamo ko sa iyo na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagka't aking ginawa (H)ng buong kamangmangan.

11 At nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta (I)Gad na (J)tagakita ni David, na sinasabi,

12 Ikaw ay yumaon at salitain mo kay David, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga yaon upang aking magawa sa iyo.

13 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsaysay sa kaniya: at nagsabi sa kaniya, (K)Darating ba sa iyo ang pitong taon na kagutom sa iyong lupain? o tatakas ka bang tatlong buwan sa harap ng iyong mga kaaway samantalang hinahabol ka nila? o magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? ngayo'y muniin mo, at dilidilihin mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik doon sa nagsugo sa akin.

14 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y nasa totoong kagipitan: mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon; (L)sapagka't ang kaniyang mga kaawaan ay dakila: at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

Ang salot ay sinugo.

15 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon: at namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitong pung libong lalake.

16 At nang iunat ng anghel ang kaniyang kamay sa dakong Jerusalem upang gibain ay nagsisi (M)ang Panginoon sa kasamaan, at sinabi (N)sa anghel na (O)lumipol ng bayan, Siya na; ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay nasa giikan ni (P)Arauna na Jebuseo.

17 At nagsalita si David sa Panginoon, nang kaniyang makita ang anghel na sumakit sa bayan, at nagsabi, Narito, ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kalikuan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang ginawa? isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama.

Si David ay nagtayo ng dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna.

18 At si Gad ay naparoon sa araw na yaon kay David, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.

19 At si David ay umahon ayon sa sinabi ni Gad, kung paanong iniutos ng Panginoon.

20 At tumanaw si Arauna, at nakita ang hari, at ang kaniyang mga lingkod na nagsisilapit sa kaniya; at si Arauna ay lumabas at nagpatirapa sa harap ng hari.

21 At sinabi ni Arauna: Bakit ang aking panginoon na hari ay naparito sa kaniyang lingkod? (Q)At sinabi ni David, Upang bilhin ang giikan sa iyo, na mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay (R)magtigil sa bayan.

22 At sinabi ni Arauna kay David, Kunin ng aking panginoon na hari, at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti: (S)narito, ang mga baka na panghandog na susunugin, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka na pang kahoy:

23 Ang lahat na ito, Oh hari, ibinibigay ni Arauna sa hari. At sinabi ni Arauna sa hari, Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Dios.

24 At sinabi ng hari kay Arauna, Huwag; kundi katotohanang bibilhin ko sa iyo sa halaga: hindi nga ako maghahandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon kong Dios na hindi nagkahalaga sa akin ng anoman. (T)Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limang pung siklong pilak.

25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan. (U)Sa gayo'y nadalanginan ang Panginoon dahil sa lupain, at ang salot ay tumigil sa Israel.

1 Cronica 21-22

Ang bayan ay binilang.

21 At (A)si Satan ay tumayo laban sa Israel, at kinilos si David na bilangin ang Israel.

At sinabi ni David kay Joab, at sa mga prinsipe ng bayan, Kayo'y magsiyaon, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; at dalhan ninyo ako ng salita; upang aking maalaman ang bilang nila.

At sinabi ni Joab, Gawin nawa ng Panginoon ang kaniyang bayan na makasandaang higit sa dami nila; nguni't, panginoon ko na hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? bakit kinakailangan ng panginoon ko ang bagay na ito? bakit siya'y magiging sanhi ng ipagkakasala ng Israel?

Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab. Kaya't si Joab ay yumaon, at naparoon sa buong Israel, at dumating sa Jerusalem.

At ibinigay ni Joab ang kabuuan ng bilang ng bayan kay David. At silang lahat na taga Israel ay (B)labing isang daan libo na nagsisihawak ng tabak: at ang Juda ay apat na raan at pitongpung libong lalake na nagsisihawak ng tabak.

(C)Nguni't ang Levi at ang Benjamin ay hindi binilang; sapagka't ang pananalita ng hari ay kahalayhalay kay Joab.

At sumama ang loob ng Dios sa bagay na ito; kaya't kaniyang sinaktan ang Israel.

At sinabi ni David sa Dios, Ako'y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni't ngayo'y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka't aking ginawang may lubhang kamangmangan.

Nagpadala ng Salot.

At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,

10 Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.

11 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, (D)Piliin mo ang iniibig mo:

12 Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga'y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.

13 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.

14 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.

15 At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang (E)gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo'y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.

16 At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita (F)ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo'y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.

17 At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga'y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni't huwag laban sa iyong bayan, na sila'y masasalot.

Si David ay nagtayo ng dambana sa giikan ni Ornan.

18 Nang magkagayo'y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

19 At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon.

20 At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo.

21 At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan.

23 At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinaka handog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang (G)trigo na pinaka handog na harina; aking ibinibigay sa lahat.

24 (H)At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka't hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad.

25 Sa gayo'y ibinigay ni David kay Ornan dahil sa dakong yaon ang anim na raang siklong ginto na pinakatimbang.

26 At ipinagtayo roon ni David ng isang dambana ang Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at tumawag sa Panginoon; (I)at sinagot niya siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin.

27 At inutusan ng Panginoon ang anghel; at kaniyang isinuksok sa kaluban ang kaniyang tabak.

28 Nang panahong yaon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya nga'y naghain doon.

29 Sapagka't ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na susunugin, ay (J)nasa mataas na dako nang panahong yaon sa Gabaon.

30 Nguni't si David ay hindi makaparoon sa harap niyaon upang (K)magusisa sa Dios: sapagka't siya'y natakot dahil sa tabak ng anghel ng Panginoon.

Ang habilin ni David kay Salomon.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni David, (L)Ito ang bahay ng Panginoong Dios, at ito ang dambana ng handog na susunugin para sa Israel.

At iniutos ni David na pisanin ang mga (M)taga ibang bayan na nasa lupain ng Israel; at siya'y naglagay ng mga kantero upang magsitabas ng mga yaring bato, upang itayo ang bahay ng Dios.

At si David ay naghanda ng bakal na sagana na mga pinaka pako sa mga pinto ng mga pintuang-daan, at sa mga sugpong; at tanso na sagana na walang timbang;

At mga puno ng sedro na walang bilang; sapagka't ang mga (N)Sidonio at ang mga taga Tiro ay nangagdala kay David ng mga puno ng sedro na sagana.

At sinabi ni David, (O)Si Salomong aking anak ay bata at mura, at ang bahay na matatayo na laan sa Panginoon ay marapat na totoong mainam, na bantog at maluwalhati sa lahat na lupain: akin ngang ipaghahanda. Sa gayo'y naghanda si David ng sagana bago sumapit ang kaniyang kamatayan.

Nang magkagayo'y ipinatawag niya si Salomon na kaniyang anak, at binilinan niyang magtayo ng isang bahay na laan sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Tungkol sa akin, (P)na sa aking kalooban ang magtayo ng isang bahay sa pangalan ng Panginoon kong Dios.

Nguni't ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, (Q)Ikaw ay nagbubo ng dugo na sagana, at (R)gumawa ng malaking pagdidigma: huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka't ikaw ay nagbubo ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin:

Narito, isang lalake ay ipanganganak sa iyo, na siyang magiging lalaking (S)mapayapa; at bibigyan ko siya ng kapahingahan sa lahat ng kaniyang mga kaaway sa palibot: sapagka't ang kaniyang magiging pangalan ay Salomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kaniyang mga kaarawan:

10 Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan; at (T)siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kaniyang ama; at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.

11 Ngayon, anak ko, ang Panginoon ay sumaiyo; at guminhawa ka, at iyong itayo ang bahay ng Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinalita tungkol sa iyo.

12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng pagmumunimuni, at pagkakilala, at bigyan ka niya ng bilin tungkol sa Israel; na anopa't iyong maingatan ang kautusan ng Panginoon mong Dios.

13 (U)Kung magkagayo'y giginhawa ka, kung isasagawa mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan na ibinilin ng Panginoon kay Moises tungkol sa Israel: (V)ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; huwag kang matakot o manglupaypay man.

14 Ngayon, narito, sa aking karalitaan ay ipinaghanda ko ang bahay ng Panginoon ng (W)isang daang libong talentong ginto, at isang libong libong talentong pilak; at ng tanso at bakal na walang timbang; dahil sa kasaganaan: gayon din ng kahoy at bato ay naghanda ako; at iyong madadagdagan.

15 Bukod dito'y may kasama kang mga manggagawa na sagana, mga mananabas ng bato at manggagawa sa bato at sa kahoy, at lahat ng mga tao na bihasa sa anoman gawain;

16 Sa ginto, sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, walang bilang. Ikaw ay bumangon at iyong gawin, at ang Panginoon ay sumaiyo.

17 Iniutos naman ni David sa lahat na prinsipe ng Israel na tulungan si Salomon na kaniyang anak, na sinasabi,

18 Hindi ba ang Panginoon ninyong Dios ay sumasainyo? at hindi ba binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat na dako? sapagka't kaniyang ibinigay ang mga nananahan sa lupain sa aking kamay; at ang lupain ay suko sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang bayan.

19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at ang inyong kaluluwa upang hanaping sundin ang Panginoon ninyong Dios; kayo'y bumangon nga, (X)at itayo ninyo ang santuario ng Panginoong Dios, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon, at ang mga banal na kasangkapan ng Dios, sa loob ng bahay na itatayo sa pangalan ng Panginoon.

Mga Awit 30

Salmo; Awit sa Pagtatalaga ng Bahay: Awit ni David.

30 Dadakilain kita, Oh (A)Panginoon; sapagka't itinindig mo ako,
At hindi mo (B)pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.
Oh Panginoon kong Dios,
Dumaing ako sa iyo, at (C)ako'y pinagaling mo.
Oh Panginoon, (D)iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol:
Iyong iningatan akong buháy, upang huwag akong (E)bumaba sa hukay.
(F)Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya,
At mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.
Sapagka't ang kaniyang galit ay (G)sangdali lamang;
(H)Ang kaniyang paglingap ay habang buhay:
(I)Pagiyak ay magtatagal ng magdamag,
Nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.
Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan:
Hindi ako makikilos kailan man.
Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok:
(J)Iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.
Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon;
At sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:
Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay?
(K)Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?
10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin:
Panginoon, maging saklolo nawa kita.
11 (L)Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis;
Iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:
12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na (M)pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik:
Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978