Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Pahayag 20-22

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. Sinunggaban(A) niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.

At(B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas(C) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.

Ang Paghuhukom

11 Pagkatapos(D) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 Pagkatapos(E) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At(F) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig(G) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At(H) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi(I) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito(J) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(K) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(L) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.

15 Ang(M) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(N)(O) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(P) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(Q) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(R) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

22 Ipinakita(S) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at(T) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala(U) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.

Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y(V) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.

Ang Pagdating ni Jesus

At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”

At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”

10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy(W) sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.”

12 At(X) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(Y) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala(Z) ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Subalit maiiwan sa labas ng lungsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga mahilig magsinungaling at mandaya.

16 “Akong(AA) si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Sinasabi(AB) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”

Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”

Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.

Pagwawakas

18 Akong(AC) si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito.

20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”

Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!

21 Nawa'y makamtan ng lahat[c] ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus.

Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.