Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Pahayag 9-12

Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. Binuksan(A) ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. Mula sa usok ay(B) may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. Ipinagbilin(C) sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. Sa(D) loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.

Ang(E) anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. Parang(F) buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Natatakpan(G) ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. 11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa wikang Griego'y Apolion.[b]

12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating.

13 Hinipan(H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(I) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.

20 Ang(J) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.

Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan

10 Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. May hawak siyang isang maliit na aklat na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!”

At(K) itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ng lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal! Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.”

Pagkatapos(L) ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang aklat na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko nga mula sa kamay ng anghel ang maliit na aklat at kinain ko ito. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga propesiya tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos,(M) binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabihan, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. Ngunit(N) huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Yuyurakan nila ang Banal na Lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Isusugo ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”

Ang(O) mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng daigdig. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, may lalabas na apoy sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May(P) kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.

Pagkatapos(Q) nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa napakalalim na hukay at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at(R) ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang patalinghagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. 10 Magagalak ang lahat ng tao sa daigdig dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.

11 Pagkalipas(S) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos. Sila'y tumayo at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. 12 Pagkatapos(T) ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. 13 Nang(U) oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan.

14 Natapos na ang ikalawang lagim, at ang ikatlong lagim ay malapit na.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 Pagkatapos ay hinipan(V) ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!”

16 At ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno na nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. 17 Sinabi nila,

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan
    at nagpasimula ka nang maghari!
18 Galit na galit(W) ang mga bansang di-kumikilala sa iyo,
    dahil dumating na ang panahon ng iyong poot,
    ang paghatol sa mga patay,
at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo,
    at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo,
    dakila man o hamak.
Panahon na upang wasakin mo ang mga nagwawasak sa daigdig.”

19 At(X) nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay kumidlat, dumagundong, kumulog, lumindol at umulan ng batong yelo.

Ang Babae at ang Dragon

12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.

Isa(Y) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Kinaladkad(Z) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. Ang(AA) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.

Pagkaraan(AB) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. Itinapon(AC) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.

10 At(AD) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,

“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”

13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit(AE) ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. 17 Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. 18 At ang dragon ay tumayo[c] sa dalampasigan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.