Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Efeso 1-3

Mula(A) kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos,

Para sa mga hinirang ng Diyos [na nasa Efeso][a] at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos(B) tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.

11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.

Ang Panalangin ni Pablo

15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang(C) muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim(D)(E) ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.

Patay Subalit Muling Binigyang-buhay

Noong(F) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Pinag-isa kay Cristo

11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(G) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(H) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(I) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.

19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[b] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus[c] alang-alang sa inyong mga Hentil. Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. At(J) habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. 13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(K) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.

20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.