Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Pahayag 13-16

Ang Unang Halimaw

13 Pagkatapos(A) ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[a] lumalapastangan sa Diyos. Ang(B) halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?”

Pinahintulutang(C) magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan(D) din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba(E) sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay.

“Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang(F) sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.”

Ang Ikalawang Halimaw

11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumilitaw mula sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit nagsalita ito na parang dragon. 12 Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nagkaroon ng sugat na nakamamatay ngunit gumaling na. 13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw; nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. 14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay. 15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. 17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon. 18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay animnaraan at animnapu't anim (666).

Ang Awit ng mga Tinubos

14 Tumingin(G) ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi(H) sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.

Ang Tatlong Anghel

Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”

Sumunod(I) naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!”

At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay(J) paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang(K) usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.”

12 Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus.

13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”

Ang Pag-aani

14 Tumingin(L) uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15 Isa(M) pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” 16 Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa.

17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa(N) sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim.

Ang mga Panghuling Salot

15 Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.

May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit(O) nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa[b],
    matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
Sino(P) ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
    Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
    Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
    at sasamba sa iyo,
    sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”

Pagkatapos(Q) nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan. Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian at may gintong pamigkis sa dibdib. Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buháy ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. Ang(R) templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.

Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos

16 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.”

Kaya(S) umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.

Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat.

Ibinuhos(T) naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,

“Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
    sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
    ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!”

At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi,

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!”

At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang pasuin ang mga tao sa tindi ng init nito. Napaso nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.

10 Ibinuhos(U) naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, 11 at sinumpa nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.

12 At(V) ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog upang magkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. 13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. 14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 “Makinig(W) kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Pinagpala ang nananatiling gising at nag-iingat ng kanyang damit. Hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa harap ng mga tao!”

16 At(X) ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.

17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” 18 Kumidlat,(Y) kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol mula pa nang likhain ang tao dito sa lupa. 19 Nahati(Z) sa tatlong bahagi ang malaking lungsod, at nawasak ang lahat ng lungsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. 20 Umalis(AA) ang lahat ng mga pulo at nawala ang lahat ng mga bundok. 21 Umulan(AB) ng malalaking batong yelo na tumitimbang ng halos limampung (50) kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.