Beginning
Ang Reyna ng Kahalayan
17 Pagkatapos,(A) ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Ang(B) mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.”
3 At(C) napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. 4 Ang(D)(E) damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. 5 Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” 6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.
Nanggilalas ako nang makita ko siya. 7 “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.
9 “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan.
12 “Ang(F) sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. 17 Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. 2 Sumigaw(G) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. 3 Sapagkat(H) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”
4 Narinig(I) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
5 Sapagkat(J) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
6 Gawin(K) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
7 Kung(L) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
Hindi ako biyuda,
hindi ako magluluksa kailanman!’
8 Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”
9 Tatangis(M) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”
11 Dahil(N) sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala(O) nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. 14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” 15 Hindi(P) lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lungsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. 16 Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lungsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! 17 Sa(Q) loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!”
Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nangangalakal sa dagat, 18 at(R)(S) tinangisan nila ang nasusunog na lungsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lungsod na iyon!” 19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”
20 Magalak(T) ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!
21 Pagkatapos,(U) isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi(V)(W) na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig.
19 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! 2 Matuwid(X) at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” 3 Muli(Y) silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” 4 Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!”
Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero
5 May(Z) nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” 6 Pagkatapos(AA) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. 8 Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
9 At(AB) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”
10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Kabayong Puti
11 Pagkaraan(AC) nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang(AD) nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. 13 Basang-basa(AE) sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May(AF) matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Nakita(AG) ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya nang malakas at tinawag ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon para
sa malaking handaan ng Diyos! 18 Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!”
19 At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. 20 Nabihag(AH) ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. 21 Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.