Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 2-3

Ang Pagsilang ni Jesus(A)

Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.

Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
    at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

Pinangalanan si Jesus

21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
    ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31     na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
    at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang(H) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(I) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(J) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(K)

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa(L) gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
    Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
Matatambakan ang bawat libis,
    at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Magiging tuwid ang daang liku-liko,
    at patag ang daang baku-bako.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”

Kaya't(M) sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? Ipakita(N) ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon(O) pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10 Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”

11 Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.”

12 Dumating(P) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”

13 “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.

14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”

“Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”

18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. 19 Si(Q) Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. 20 Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.

Binautismuhan si Jesus(R)

21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at(S) bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesus(T)

23 Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang mangaral. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Si Jose naman ay anak ni Eli, 24 na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui nama'y anak ni Janai na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias na anak ni Amos. Si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Esli ay anak ni Nagai, 26 anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda 27 na anak ni Joanan. At si Joanan ay anak ni Resa na anak ni Zerubabel, anak ni Salatiel na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi 30 na anak ni Simeon na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam na anak ni Eliaquim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Menna na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, 33 anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak ni Arni na anak ni Esrom, na anak ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Terah na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug na anak ni Reu, na anak ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Eber na anak ni Sala. 36 Si Sala ay anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, anak ni Lamec 37 na anak ni Matusalem na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan. 38 Si Kenan ay anak ni Enos na anak ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.