Beginning
Ang Talinghaga tungkol sa mga Masasamang Magsasaka(A)
12 At(B) tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang tore. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating ang panahon ng pag-aani ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 3 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga magsasaka. 5 Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. 6 Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang igagalang nila ang kanyang anak. 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin lahat ng kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan.
9 “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. 10 Hindi(C) ba ninyo nabasa ang sinasabi sa kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
11 Ito'y ginawa ng Panginoon,
at kahanga-hangang pagmasdan.’”
12 Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang tinutukoy ni Jesus sa mga talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin siya. Subalit hindi nila ito magawa sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus.
Ang Pagbabayad ng Buwis(D)
13 Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14 Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”
15 Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.[a]”
16 At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Sa Emperador po,” tugon nila.
17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
At sila'y labis na namangha sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(E)
18 May(F) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(G) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][b] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”
24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(H) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”
Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos(I)
28 Ang(J) kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”
29 Sumagot(K) si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito(L) naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”
32 Wika(M) ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At(N) higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”
34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(O)
35 Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Hindi(P) ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo:
“Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
‘Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’”
37 Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(Q)
Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. 38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. 39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.”
Ang Kaloob ng Biyuda(R)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(S)
13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”
2 Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(T)
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”
5 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. 6 Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. 7 Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.
9 “Mag-ingat(U) kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. 10 Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. 11 Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 13 Kapopootan(V) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”
Ang Kasuklam-suklam na Kalapastanganan(W)
14 “Kapag(X) nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. 15 Ang(Y) nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, 16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. 17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! 18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, 19 sapagkat(Z) sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. 20 At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon.
21 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. 23 Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”
Ang Pagbabalik ng Anak ng Tao(AA)
24 “Subalit(AB) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, 25 malalaglag(AC) mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. 26 Pagkatapos,(AD) makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. 27 Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(AE)
28 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. 30 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(AF)
32 “Ngunit(AG) walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 33 Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. 34 Ang(AH) katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. 35 Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. 36 Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. 37 Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.