Beginning
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.
4 Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”
10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)
14 Nakarating(H) kay Haring Herodes[b] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(I) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[c]
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[d] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(J)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(K) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”
37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”
Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[e]
38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.
Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”
39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[f]
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)
45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[g] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)
53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.
Mga Nakaugaliang Katuruan(N)
7 Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. 2 Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio.
3 (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.[h] Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan].[i]) 5 Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.”
6 Sinagot(O) sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,
‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’
8 Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(P) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[j] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(Q)
14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[k]
17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)
20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”
Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(R)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[l] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”
28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”
29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”
30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.
Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi
31 Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33 Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!”
35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.