Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mateo 18-19

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.

“Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(G)

10 “Pakaingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(I) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]

12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”

Kung Magkasala ang Isang Kapatid

15 “Kung(J) magkasala [sa iyo][c] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(K) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”

Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot

18 “Tandaan(L) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad

21 Lumapit(M) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22 Sinagot(N) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[d] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[e] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[f] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(O)

19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.

May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot(P) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At(Q) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Tinanong(R) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”

Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. Ito(S) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][g] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[h]

10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”

11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(T)

13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.

Ang Binatang Mayaman(U)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(V) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(W) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”

28 Sinabi(X) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][i] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(Y) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.