Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 9-11

Si Jehu ay Pinahiran ng Langis Bilang Hari ng Israel

At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kanya, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis at pumunta ka sa Ramot-gilead.

Pagdating mo, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi. Pasukin mo siya at paalisin mo siya sa kanyang mga kasamahan at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.

Pagkatapos ay kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kanyang ulo, at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Binubuhusan kita upang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos ay buksan mo ang pintuan at tumakas ka, huwag ka ng maghintay.”

Kaya't ang batang lalaki, ang lingkod ng propeta ay pumunta sa Ramot-gilead.

Nang siya'y dumating, ang mga punong-kawal ng hukbo ay nagpupulong. At kanyang sinabi, “Ako'y may sasabihin sa iyo, O punong-kawal.” At sinabi ni Jehu, “Sino sa aming lahat?” At kanyang sinabi, “Sa iyo, O punong-kawal.”

Kaya't(A) siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at ibinuhos niya ang langis sa kanyang ulo, na sinasabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Aking binuhusan ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, samakatuwid ay sa Israel.

Ibabagsak mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, upang aking maipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezebel.

Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol at aking ihihiwalay kay Ahab ang bawat batang lalaki, bihag man o malaya, sa Israel.

Aking gagawin ang sambahayan ni Ahab na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia.

10 Lalapain(B) ng mga aso si Jezebel sa nasasakupan ng Jezreel, at walang maglilibing sa kanya.” Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pintuan, at tumakas.

11 Nang lumabas si Jehu patungo sa mga lingkod ng kanyang panginoon, kanilang sinabi sa kanya, “Lahat ba'y mabuti? Bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo?” At sinabi niya sa kanila, “Kilala ninyo ang lalaki at ang kanyang pananalita.”

12 Kanilang sinabi, “Ito'y isang kasinungalingan, sabihin mo sa amin ngayon.” At kanyang sinabi, “Ganito lamang ang sinabi niya sa akin: ‘Ganito at ganito ang sabi ng Panginoon, Binuhusan kita ng langis upang maging hari sa Israel.’”

13 At dali-daling kinuha ng bawat isa ang kanya-kanyang kasuotan at iniladlad para sa kanya sa ibabaw ng hagdan, at kanilang hinipan ang trumpeta, at ipinahayag, “Si Jehu ay hari.”

Napatay si Haring Joram ng Israel

14 Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria;

15 ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, “Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel.”

16 Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram.

17 Noon ang tanod ay nakatayo sa muog sa Jezreel, at kanyang natanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, “Ako'y nakakakita ng isang pulutong.” At sinabi ni Joram, “Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin upang salubungin sila, at magsabi, ‘Kapayapaan ba?’”

18 Kaya't pumaroon ang isang nangangabayo upang salubungin siya, at sinabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sinabi ni Jehu, “Anong pakialam mo sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.” At nag-ulat ang tagatanod, “Ang sugo ay nakarating sa kanila, ngunit siya'y hindi bumabalik.”

19 Pagkatapos ay nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sumagot si Jehu, “Ano ang iyong pakialam sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.”

20 At muling nag-ulat ang tanod, “Siya'y dumating sa kanila, subalit siya'y hindi bumabalik. At ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi, sapagkat siya'y napakatuling magpatakbo.”

21 Sinabi ni Joram, “Maghanda kayo.” At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita.

22 Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, Jehu?” At siya'y sumagot, “Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?”

23 Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, “Pagtataksil, O Ahazias!”

24 Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe.

25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong-kawal, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng Panginoon ang salitang ito laban sa kanya:

26 ‘Kung(C) paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng Panginoon, pagbabayarin kita sa lupang ito.’ Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng Panginoon.”

Napatay si Haring Ahazias ng Juda

27 Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, “Panain mo rin siya;” at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon.

28 Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

29 Nang ikalabing-isang taon ni Joram na anak ni Ahab, nagsimulang maghari si Ahazias sa Juda.

Pinatay si Jezebel

30 Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana.

31 At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?”

32 Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, “Sino ang sa aking panig? Sino?” Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya.

33 Kanyang sinabi, “Ihulog ninyo siya.” Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan.

34 Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, “Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari.”

35 Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay.

36 Nang(D) sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, “Ito ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, ‘Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel;

37 ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel.’”

Pinatay ang mga Anak ni Ahab

10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,

“Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,

piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”

Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”

Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”

Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.

Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.

Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”

Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?

10 Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”

11 Kaya't(E) pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.

Pinatay ang mga Kapatid ni Haring Ahazias

12 Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol,

13 nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, “Sino kayo?” At sila'y nagsisagot, “Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna.”

14 Sinabi niya, “Hulihin ninyo silang buháy.” Kanilang hinuli silang buháy, at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buháy sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao.

15 Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, “Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?” At sumagot si Jonadab, “Oo.” At sinabi ni Jehu, “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay.” At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe.

16 At kanyang sinabi, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa Panginoon.” Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe.

17 Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi kay Elias.

Pinatay ang mga Sumasamba kay Baal

18 Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, “Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami.

19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay.” Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal.

20 Iniutos ni Jehu, “Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal.” At kanilang ipinahayag iyon.

21 Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

22 Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, “Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal.” Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila.

23 Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, “Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng Panginoon, kundi mga sumasamba kay Baal lamang.”

24 At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, “Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit.”

25 Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong-kawal, “Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman.” Pinatay sila ng mga bantay at mga punong-kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong-kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal,

26 at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito.

27 At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito.

28 Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.

29 Gayunma'y(F) hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan.

30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.”

31 Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel.

Ang Kamatayan ni Jehu

32 Nang mga araw na iyon ay pinasimulan ng Panginoon na putulan ng mga bahagi ang Israel. Ginapi sila ni Hazael sa buong nasasakupan ng Israel,

33 mula sa Jordan patungong silangan, ang buong lupain ng Gilead, ang mga Gadita, ang mga Rubenita, ang mga Manasita, mula sa Aroer na nasa libis ng Arnon, na ito'y ang Gilead at ang Basan.

34 Ang iba pang mga gawa ni Jehu, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang lahat niyang kagitingan, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?

35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa Samaria. At si Jehoahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

36 At ang panahong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawampu't walong taon.

Si Reyna Atalia ng Juda(G)

11 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias, na ang kanyang anak ay patay na, siya'y tumindig at nilipol ang lahat ng binhi ng hari.

Ngunit kinuha ni Jehosheba, na anak na babae ni Haring Joram, na kapatid na babae ni Ahazias, si Joas na anak ni Ahazias, at lihim na kinuha siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Sa gayon niya ikinubli ang bata kay Atalia, kaya't siya'y hindi napatay.

Siya'y nanatiling kasama niya sa loob ng anim na taon na nakatago sa bahay ng Panginoon, samantalang si Atalia ay naghari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon, si Jehoiada ay nagsugo at dinala ang mga punong-kawal ng mga Cariteo, at ang mga bantay, at sila'y pinapasok niya sa bahay ng Panginoon. Siya'y nakipagtipan sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari.

At kanyang iniutos sa kanila, “Ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi sa inyo, na nagpapahinga sa Sabbath at nagbabantay sa bahay ng hari

(ang isa pang ikatlong bahagi ay nakatalaga sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay), ay magiging bantay sa bahay ng hari;

ang dalawang pulutong naman sa inyo, na hindi nagbantay sa Sabbath na ito ay siyang magbabantay sa bahay ng Panginoon para sa hari.

Inyong paliligiran ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang lumapit sa hanay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari kapag siya'y lumalabas at pumapasok.”

At ginawa ng mga pinuno ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehoiada na pari, at kinuha ng bawat isa ang kanyang mga tauhan, yaong hindi magbabantay sa araw ng Sabbath, kasama ng mga nagbabantay sa araw ng Sabbath, at nagsiparoon kay Jehoiada na pari.

10 Ibinigay ng pari sa mga pinuno ang mga sibat at ang mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David, na nasa bahay ng Panginoon;

11 at ang mga bantay ay tumayo, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa may dambana at sa may bahay, sa palibot ng hari.

12 Pagkatapos ay inilabas niya ang anak ng hari, at ipinutong ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo; at kanilang ipinahayag siyang hari, at binuhusan siya ng langis, at kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng bantay at ng taong-bayan, pumasok siya sa loob ng bahay ng Panginoon patungo sa mga tao.

14 Nang(H) siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga pinuno at ang mga manunugtog ng trumpeta sa tabi ng hari; at ang buong bayan ng lupain na nagsasaya at humihihip ng trumpeta. Kaya't hinapak ni Atalia ang kanyang kasuotan, at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”

15 At ang paring si Jehoiada ay nag-utos sa mga kapitan ng tig-iisandaan na itinalaga sa hukbo, “Ilabas ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at patayin ninyo ng tabak ang sinumang sumunod sa kanya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag siyang papatayin sa bahay ng Panginoon.”

16 Sa gayo'y kanilang binigyan siya ng daan, at siya'y pumasok sa pasukan ng mga kabayo patungo sa bahay ng hari, at doon siya pinatay.

Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(I)

17 Si Jehoiada ay nakipagtipan sa Panginoon, sa hari, at sa mamamayan, na sila'y magiging bayan ng Panginoon; gayundin sa pagitan ng hari at ng bayan.

18 At ang lahat ng mamamayan ng lupain ay pumunta sa bahay ni Baal, at ito'y ibinagsak. Ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan ay kanilang pinagputul-putol ng lubusan at kanilang pinatay si Matan na pari ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang pari ay naglagay ng mga bantay sa bahay ng Panginoon.

19 Kanyang isinama ang mga punong-kawal, ang mga Cariteo, ang mga bantay, at ang buong mamamayan ng lupain. Kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at nagsidaan sa pintuang-bayan ng mga bantay patungo sa bahay ng hari. At siya'y naupo sa trono ng mga hari.

20 Kaya't ang lahat ng mamamayan ng lupain ay nagsaya. Ang lunsod ay tumahimik pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak sa bahay ng hari.

21 [b] Si Jehoas ay pitong taon nang siya'y nagsimulang maghari.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001