Beginning
Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul
1 Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.
2 At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.
3 Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”
4 Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”
5 At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”
6 Sinabi(A) ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.
7 Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’
8 Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’
9 At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’[a]
10 Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”
11 Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.
12 Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.
13 Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”
14 Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang[b] ng Panginoon?”
15 At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.
16 Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”
Ang Panaghoy ni David para kina Saul at Jonathan
17 Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak,
18 at(B) sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser.[c] Sinabi niya:
19 “Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
Paano nabuwal ang magigiting!
20 Huwag ninyong sabihin sa Gat,
huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.
21 “Kayong mga bundok ng Gilboa,
huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.
22 “Mula sa dugo ng pinatay,
mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.
23 “Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.
24 “Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.
25 “Paano nabuwal ang magigiting
sa gitna ng labanan!
“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26 Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 “Paano nabuwal ang magigiting,
at nasira ang mga sandatang pandigma!”
Si David ay Ginawang Hari sa Juda
2 Pagkatapos nito, sumangguni si David sa Panginoon, “Pupunta ba ako sa alinman sa mga lunsod ng Juda?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka.” At sinabi ni David, “Saan ako pupunta?” At kanyang sinabi, “Sa Hebron.”
2 Kaya't(C) pumunta roon si David, at pati ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na balo ni Nabal, na taga-Carmel.
3 Iniahon ni David ang kanyang mga tauhang kasama niya, bawat isa'y kasama ang kanyang sambahayan; at sila'y nanirahan sa mga bayan ng Hebron.
4 Dumating(D) ang mga lalaki ng Juda, at kanilang binuhusan ng langis si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda. Nang kanilang sabihin kay David, “Ang mga lalaki sa Jabes-gilead ang siyang naglibing kay Saul,”
5 nagpadala ng mga sugo si David sa mga lalaki sa Jabes-gilead, at sinabi sa kanila, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, sapagkat kayo'y nagpakita ng ganitong katapatan kay Saul na inyong panginoon, at inyong inilibing siya!
6 Ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng wagas na pag-ibig at katapatan! Gagawan ko naman kayo ng mabuti sapagkat ginawa ninyo ang bagay na ito.
7 Ngayon nga, lumakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang, sapagkat patay na si Saul na inyong panginoon, at ako'y binuhusan ng langis ng sambahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.”
Si Isboset ay Ginawang Hari ng Israel
8 Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim;
9 at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel.
10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David.
11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan.
Digmaan ng Israel at Juda
12 Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim.
13 At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.”
15 Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David.
16 At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim[d] na nasa Gibeon.
17 At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David.
18 At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa;
19 at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.
20 Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.”
21 Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya.
22 At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?”
23 Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto.
24 Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon.
25 Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol.
26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?”
27 At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.”
28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa.
29 Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim.
30 Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel.
31 Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner.
32 At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.
3 Nagkaroon ng matagal na paglalaban ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David; si David ay lumakas nang lumakas, samantalang ang sambahayan ni Saul ay humina nang humina.
Mga Anak ni David
2 Nagkaroon ng mga anak na lalaki si David sa Hebron: ang kanyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga-Jezreel.
3 Ang kanyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na balo ni Nabal na taga-Carmel; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maaca na anak ni Talmai na hari sa Geshur.
4 Ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Hagit; at ang ikalima ay si Shefatias na anak ni Abital.
5 Ang ikaanim ay si Itream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.
Umanib si Abner kay David
6 Samantalang may digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, pinalakas ni Abner ang kanyang sarili sa sambahayan ni Saul.
7 Si Saul ay may asawang-lingkod na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aya. Sinabi ni Isboset kay Abner, “Bakit ka sumiping sa asawang-lingkod ng aking ama?”
8 Kaya't galit na galit si Abner dahil sa mga salita ni Isboset, at sinabi, “Ako ba'y isang ulo ng aso ng Juda? Sa araw na ito ay patuloy akong nagpapakita ng katapatan sa sambahayan ni Saul na iyong ama, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David. Gayunma'y pinagbibintangan mo ako sa araw na ito ng isang kasalanan tungkol sa isang babae.
9 Gawin ng Diyos kay Abner, at lalo na, kung hindi ko gawin para kay David ang isinumpa ng Panginoon sa kanya,
10 na(E) ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at itayo ang trono ni David sa Israel at Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.”
11 At hindi nakasagot si Isboset[e] kay Abner ng isang salita, sapagkat siya'y natakot sa kanya.
12 Si Abner ay nagpadala ng mga sugo kay David sa kanyang kinaroroonan, na sinasabi, “Kanino nauukol ang lupain? Makipagtipan ka sa akin, at ang aking kamay ay sasaiyo upang dalhin sa iyo ang buong Israel.”
13 Kanyang sinabi, “Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo. Ngunit isang bagay ang hinihiling ko sa iyo: hindi mo ako makikita[f] malibang dalhin mo muna si Mical na anak na babae ni Saul pagparito mo upang ako'y iyong makita.”
14 Nagpadala(F) ng mga sugo si David kay Isboset na anak ni Saul, na sinasabi, “Ibigay mo sa akin ang aking asawang si Mical, na siyang aking pinakasalan sa halagang isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo.”
15 Nagsugo si Isboset, at kinuha si Mical sa kanyang asawang si Paltiel na anak ni Lais.
16 Subalit ang kanyang asawa'y sumama sa kanya na umiiyak na kasunod niya sa daan hanggang sa Bahurim. Pagkatapos ay sinabi ni Abner sa kanya, “Umuwi ka!” Kaya't siya'y umuwi.
17 Nakipag-usap si Abner sa matatanda sa Israel, na sinasabi, “Sa panahong nakaraan ay inyong hinangad na si David ay maging hari sa inyo.
18 Ngayon ay inyong isakatuparan ito, sapagkat ipinangako ng Panginoon kay David, na sinasabi, ‘Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at ng lahat nilang mga kaaway.’”
19 Nakipag-usap din si Abner sa Benjamin. At si Abner ay pumunta upang sabihin kay David sa Hebron ang lahat ng inaakalang mabuti ng Israel at ng buong sambahayan ni Benjamin.
20 Nang dumating si Abner kay David sa Hebron kasama ang dalawampung lalaki, nagdaos ng kasayahan si David para kay Abner at sa mga lalaking kasama niya.
21 Sinabi ni Abner kay David, “Ako'y aalis at aking titipunin ang buong Israel sa aking panginoong hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang ikaw ay maghari sa lahat ng ninanasa ng iyong puso.” At pinaalis ni David si Abner, at siya'y umalis na payapa.
Pinatay si Abner
22 Pagkatapos noon ay dumating ang mga lingkod ni David kasama si Joab mula sa isang pagsalakay, na may dalang maraming samsam. Ngunit si Abner ay hindi kasama ni David sa Hebron, sapagkat siya'y pinaalis niya, at siya'y umalis na payapa.
23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay dumating, sinabi kay Joab, “Si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa hari, at siya'y pinahayo at siya'y humayong payapa.”
24 Nang magkagayo'y pumunta si Joab sa hari, at sinabi, “Ano ang iyong ginawa? Si Abner ay pumarito sa iyo; bakit mo siya pinaalis, kaya't siya'y umalis?
25 Nalalaman mong si Abner na anak ni Ner ay pumarito upang dayain ka at upang malaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang malaman ang lahat ng iyong ginagawa.”
26 Nang lumabas si Joab mula sa harapan ni David, siya'y nagpadala ng mga sugo upang sundan si Abner, at kanilang ibinalik siya mula sa balon ng Sira, ngunit ito'y hindi nalalaman ni David.
27 Nang bumalik si Abner sa Hebron, siya ay dinala ni Joab sa isang tabi ng pintuang-bayan upang makipag-usap sa kanya ng sarilinan, at doon ay kanyang sinaksak siya sa tiyan. Kaya't siya'y namatay para sa dugo ni Asahel na kanyang kapatid.
28 Pagkatapos, nang mabalitaan ito ni David ay kanyang sinabi, “Ako at ang aking kaharian ay walang sala magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa dugo ni Abner na anak ni Ner.
29 Nawa'y bumagsak ito sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama. Nawa'y huwag mawalan sa sambahayan ni Joab ng isang dinudugo, o ng ketongin, o may pantahi,[g] o napapatay sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay!”
30 Gayon pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kanyang kapatid, sapagkat pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asahel sa labanan sa Gibeon.
Si Abner ay Inilibing
31 Sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng taong kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng damit-sako, at magluksa kayo sa harap ni Abner.” At si Haring David ay sumunod sa kabaong.
32 Kanilang inilibing si Abner sa Hebron, at inilakas ng hari ang kanyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.
33 Tinangisan ng hari si Abner na sinasabi,
“Dapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang hangal?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi natalian,
ang iyong mga paa ay hindi nakagapos;
kung paanong nabubuwal ang isang lalaki sa harap ng masama
ay gayon ka nabuwal.”
At iniyakan siyang muli ng buong bayan.
35 Ang buong bayan ay dumating upang himukin si David na kumain ng tinapay samantalang araw pa; ngunit sumumpa si David, na sinasabi, “Gawin sa akin ng Diyos, at higit pa, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anumang bagay hanggang sa lumubog ang araw!”
36 Iyon ay napansin ng buong bayan, at ikinalugod nila; gaya ng anumang ginagawa ng hari ay nakakalugod sa buong bayan.
37 Kaya't naunawaan ng buong bayan at ng buong Israel nang araw na iyon na hindi kalooban ng hari na patayin si Abner na anak ni Ner.
38 At sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Hindi ba ninyo nalalaman na may isang pinuno at isang dakilang tao ang nabuwal sa araw na ito sa Israel?
39 Ako ngayon ay walang kapangyarihan, kahit na hinirang[h] na hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruia ay napakarahas para sa akin. Gantihan nawa ng Panginoon ang gumagawa ng kasamaan ayon sa kanyang kasamaan!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001