Beginning
18 Pagkatapos niyang makapagsalita kay Saul, ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.
2 Kinuha siya ni Saul nang araw na iyon, at hindi na siya pinahintulutang umuwi sa bahay ng kanyang ama.
3 Nang magkagayo'y nakipagtipan si Jonathan kay David sapagkat kanyang minahal siya na gaya ng kanyang sariling kaluluwa.
4 Hinubad ni Jonathan ang balabal na nakasuot sa kanya at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis.
5 Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul.
Si Saul ay Nanibugho kay David
6 Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.
7 At(A) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,
“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa.”
8 Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”
9 Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.
10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;
11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.
12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.
13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.
15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.
16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.
Pinakasalan ni David ang Anak na Babae ni Saul
17 At sinabi ni Saul kay David, “Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng Panginoon.” Sapagkat iniisip ni Saul, “Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya.”
18 Sinabi ni David kay Saul, “Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?”
19 Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa.
20 Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya.
21 Iniisip ni Saul, “Ibibigay ko si Mical[a] sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya.” Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, “Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito.”
22 At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, ‘Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.’”
23 Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, “Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?”
24 Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Gayon ang sinabi ni David.”
25 At sinabi ni Saul, “Ganito ang inyong sasabihin kay David, ‘Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.’” Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon,
27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.
28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,
29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.
30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.
Si David ay Tinugis ni Saul
19 Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak at sa lahat ng kanyang mga lingkod na dapat nilang patayin si David. Ngunit si Jonathan na anak ni Saul ay lubos na nalulugod kay David.
2 Kaya't sinabi ni Jonathan kay David, “Pinagsisikapan kang patayin ni Saul na aking ama. Kaya't maging maingat ka sa kinaumagahan, manatili ka sa isang lihim na lugar at magtago ka.
3 Ako'y lalabas at tatabi sa aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipag-usap sa aking ama tungkol sa iyo; at kung may malaman akong anuman ay aking sasabihin sa iyo.”
4 At si Jonathan ay nagsalita nang mabuti tungkol kay David kay Saul na kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo at ang kanyang mga gawa ay mabuting paglilingkod sa iyo.
5 Inilagay niya ang kanyang buhay sa kanyang kamay at pinatay niya ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka; bakit magkakasala ka laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David na walang anumang kadahilanan?”
6 At pinakinggan ni Saul ang tinig ni Jonathan. Sumumpa si Saul, “Habang buháy ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.”
7 Kaya't tinawag ni Jonathan si David at sinabi ni Jonathan sa kanya ang lahat ng mga bagay na iyon. Dinala ni Jonathan si David kay Saul at siya'y naging kasama niya[b] na gaya ng dati.
8 Muling nagkaroon ng digmaan. Lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo, at napakarami ang kanyang napatay sa kanila at sila'y tumakas sa kanya.
9 Pagkatapos, isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang dumating kay Saul, habang nakaupo sa kanyang bahay na hawak ang sibat at tumutugtog si David ng alpa.
10 Pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dingding; ngunit siya'y nakailag sa harap ni Saul at ang tinamaan ng sibat ay ang dingding. Tumakbo si David at tumakas nang gabing iyon.
11 Nagpadala(B) si Saul ng mga sugo sa bahay ni David upang siya'y matyagan, upang siya'y patayin sa kinaumagahan. Subalit sinabi kay David ng kanyang asawang si Mical, “Kapag hindi mo iniligtas ang iyong buhay ngayong gabi, bukas ay mapapatay ka.”
12 Kaya inihugos ni Mical si David sa isang bintana, at siya'y tumakbong palayo at tumakas.
13 Kumuha si Mical ng isang imahen at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan iyon ng mga damit.
14 Nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kanyang sinabi, “Siya'y may sakit.”
15 Nagpasugo si Saul upang tingnan si David, na sinasabi, “Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kanyang higaan upang aking patayin siya.”
16 Nang pumasok ang mga sugo, nakita nila ang imahen ay nasa higaan na may unan na buhok ng kambing sa ulunan nito.
17 Kaya't sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako dinaya ng ganito, at iyong pinaalis ang aking kaaway, kaya't siya'y nakatakas?” At sumagot si Mical kay Saul, “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong umalis; bakit kita papatayin?’”
18 Si David ay umalis at nakatakas, at siya'y pumunta kay Samuel sa Rama, at sinabi sa kanya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Siya at si Samuel ay humayo at nanirahan sa Najot.
19 At ibinalita kay Saul, “Si David ay nasa Najot sa Rama.”
20 Kaya't nagpadala si Saul ng mga sugo upang dakpin si David. Nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nagsasalita ng propesiya, at si Samuel na tumatayong puno nila, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.
21 Nang ito ay ibalita kay Saul, siya'y nagpadala ng ibang mga sugo at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. At si Saul ay muling nagsugo sa ikatlong pagkakataon at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.
22 Nang magkagayo'y pumunta rin siya sa Rama at dumating sa malaking balon na nasa Secu. At siya'y nagtanong, “Saan naroon sina Samuel at David?” At sinabi ng isa, “Sila'y nasa Najot sa Rama.”
23 Mula roo'y pumunta siya sa Najot sa Rama; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating din sa kanya, at habang siya'y humahayo ay nagsasalita siya ng propesiya hanggang sa siya'y dumating sa Najot sa Rama.
24 Naghubad(C) din siya ng kanyang mga kasuotan at siya man ay nagsalita rin ng propesiya sa harap ni Samuel, at siya'y nahigang hubad sa buong maghapon at magdamag. Kaya't sinasabi, “Pati ba si Saul ay isa na rin sa mga propeta?”
Tinulungan ni Jonathan si David
20 Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”
2 At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”
3 Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”
5 Kaya't(D) sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.
6 Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’
7 Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.
8 Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”
9 At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”
11 At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.
12 Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?
13 Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.
14 Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;
15 huwag(E) mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”
16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”
17 Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.[c]
18 Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.
19 Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.
20 Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.
21 Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.
22 Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.
23 Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”
24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.
25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”
27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”
28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;
29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”
30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”
32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”
33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.
34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.
35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.
36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.
37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”
38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.
39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.
40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”
41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[d] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.
42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[e]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001