Beginning
Tumakas si David kay Saul
21 Nang(A) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”
2 At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’
3 Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”
4 At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”
5 Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”
6 Kaya't(B) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.
7 Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”
9 Sinabi(C) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”
10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.
11 At(D) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,
‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”
12 Iningatan(E) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.
13 Kaya't(F) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?
15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”
Pinatay ang mga Pari sa Nob
22 Umalis(G) si David doon at tumakas patungo sa yungib ng Adullam. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kapatid at ng sambahayan ng kanyang ama, kanilang pinuntahan siya roon.
2 Bawat nagdadalamhati, bawat may utang, at bawat hindi nasisiyahan ay nagtipun-tipon sa kanya, at siya'y naging punong-kawal nila. At nagkaroon siya ng may apatnaraang tauhan.
3 Mula roon ay pumunta si David sa Mizpa ng Moab, at kanyang sinabi sa hari ng Moab: “Hinihiling ko sa iyo na ang aking ama at ina ay makalabas, at makipanirahan sa inyo, hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.”
4 At kanyang iniwan sila sa hari ng Moab at sila'y nanirahang kasama niya sa buong panahon na si David ay nasa muog.
5 Sinabi ni propeta Gad kay David, “Huwag kang manirahan sa muog; umalis ka at pumasok sa lupain ng Juda.” Nang magkagayo'y umalis si David at pumunta sa gubat ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul na si David at ang mga lalaking kasama niya ay natagpuan na. Si Saul ay nakaupo sa Gibea sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama na hawak ang sibat sa kanyang kamay, at ang lahat ng kanyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.
7 At sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, “Pakinggan ninyo ngayon, mga Benjaminita. Mabibigyan ba ng anak ni Jesse ang bawat isa sa inyo ng mga bukirin at mga ubasan? Kayo bang lahat ay gagawin niyang mga punong-kawal ng libu-libo at mga punong-kawal ng daan-daan;
8 upang kayong lahat ay magsabwatan laban sa akin? Walang nagsabi sa akin nang makipagtipan ang aking anak sa anak ni Jesse. Walang sinuman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagsabi sa akin na hinikayat ng aking anak ang aking lingkod laban sa akin upang mag-abang, gaya sa araw na ito.”
9 Nang(H) magkagayo'y sumagot si Doeg na Edomita na nakatayo sa tabi ng mga lingkod ni Saul, “Nakita ko ang anak ni Jesse na dumating sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitub.
10 At kanyang isinangguni siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kanya ang tabak ni Goliat na Filisteo.”
11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelec na pari na anak ni Ahitub, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, na mga paring Nob, at sila'y pumuntang lahat sa hari.
12 Sinabi ni Saul, “Makinig ka ngayon, ikaw na anak ni Ahitub.” At siya'y sumagot, “Narito ako, panginoon ko.”
13 At sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit kayo ay nagsabwatan laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Jesse, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng tinapay at tabak, at isinangguni siya sa Diyos upang siya'y mag-alsa laban sa akin at ako'y tambangan gaya sa araw na ito?”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelec sa hari at nagsabi, “Sino sa lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at pinuno ng iyong mga kawal at iginagalang sa iyong bahay?
15 Ngayon ba ang unang pagkakataon na ako'y sumangguni sa Diyos para sa kanya? Hindi! Huwag nawang ibintang ng hari ang anumang bagay sa kanyang lingkod, o sa buong sambahayan man ng aking ama; sapagkat walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat ng ito, munti man o malaki.”
16 Sinabi ng hari, “Ikaw ay tiyak na mamamatay, Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”
17 Sinabi ng hari sa bantay na nakatayo sa palibot niya, “Harapin ninyo at patayin ang mga pari ng Panginoon, sapagkat sila man ay panig din kay David.[a] Alam nila na siya'y tumakas, at hindi nila ipinaalam sa akin.” Ngunit ayaw itaas ng mga lingkod ng hari ang kanilang kamay upang patayin ang mga pari ng Panginoon.
18 At sinabi ng hari kay Doeg, “Harapin mo at iyong patayin ang mga pari.” Hinarap ni Doeg na Edomita at kanyang pinatay ang mga pari, at ang kanyang pinatay nang araw na iyon ay walumpu't limang lalaki na nagsusuot ng efod na lino.
19 At kanyang pinatay ng tabak ang taga-Nob, ang lunsod ng mga pari, ang mga lalaki at ang mga babae, mga bata, mga pasusuhin, mga baka, asno, at mga tupa.
20 Subalit isa sa mga anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub, na ang pangalan ay Abiatar ang nakatakas at tumakbong patungo kay David.
21 At sinabi ni Abiatar kay David na pinatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon.
22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nalalaman ko na nang araw na iyon na si Doeg na Edomita ay naroon, at kanyang tiyak na sasabihin kay Saul. Ako ang naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sambahayan ng iyong ama.
23 Dito ka sa akin, huwag kang matakot; sapagkat siya na tumutugis sa aking buhay ay tumutugis sa iyong buhay; ligtas ka sa piling ko.”
Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila
23 At kanilang sinabi kay David, “Sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan.”
2 Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, “Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?” At sinabi ng Panginoon kay David, “Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila.”
3 Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?”
4 Kaya't sumangguning muli si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
5 Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila.
6 Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay.
7 At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, “Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang.”
8 Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan.
9 Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, “Dalhin mo rito ang efod.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “O Panginoon, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin.
11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O Panginoon, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod.” At sinabi ng Panginoon, “Siya'y lulusong.”
12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, “Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?” At sinabi ng Panginoon, “Isusuko ka nila.”
13 Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay.
14 Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay.
Si David sa Maburol na Lupain
15 Si David ay nasa ilang ng Zif sa Hores nang kanyang malaman na si Saul ay lumabas upang tugisin ang kanyang buhay.
16 Si Jonathan na anak ni Saul ay naghanda at pumunta kay David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa pamamagitan ng Diyos.
17 Sinabi niya sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalapatan ng kamay ni Saul na aking ama. Ikaw ay magiging hari sa Israel at ako'y magiging pangalawa mo. Nalalaman din ito ni Saul na aking ama.”
18 Silang(I) dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon; si David ay nanatili sa Hores at si Jonathan ay umuwi sa kanyang bahay.
19 Pagkatapos(J) ay umahon ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na sinasabi, “Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga kuta sa gubat sa burol ng Hachila na nasa timog ng Jesimon?
20 Ngayon, O hari, kung gusto mong lumusong ay gawin mo; at ang aming bahagi ay isuko siya sa kamay ng hari.”
21 At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon sapagkat kayo'y nahabag sa akin.
22 Kayo'y humayo at tiyaking muli. Alaming mabuti ang kanyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kanya roon; sinabi sa akin na siya'y napakatuso.
23 Tingnan ninyo ang palibot at alamin ang mga lihim na lugar na kanyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may tiyak na balita at ako'y pupuntang kasama ninyo. Kapag siya'y nasa lupain, siya'y aking hahanapin sa gitna ng lahat ng mga libu-libo sa Juda.”
24 At sila'y tumindig at pumunta sa Zif na nauna kay Saul. Si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timog ng Jesimon.
25 Si Saul at ang kanyang mga tauhan ay umalis upang hanapin siya. Nang ibalita iyon kay David siya'y lumusong sa batuhan na nasa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kanyang hinabol si David sa ilang ng Maon.
26 Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok. Si David at ang kanyang mga tauhan ay sa kabilang panig ng bundok; at si David ay nagmadali upang makalayo kay Saul, habang si Saul at ang kanyang mga tauhan ay papalapit kina David at sa kanyang mga tauhan upang sila'y hulihin.
27 Ngunit dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, “Dali, pumarito ka, sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.”
28 Kaya't bumalik si Saul mula sa pagtugis kay David, at humayo laban sa mga Filisteo; kaya't tinatawag ang dakong iyon na Bato ng Pagtakas.[b]
29 At si David ay umahon mula roon at nanirahan sa mga kuta ng En-gedi.
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
24 Nang si Saul ay bumalik mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi sa kanya, “Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”
2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalaki sa buong Israel, at naglakbay upang tugisin si David at ang kanyang mga tauhan sa harapan ng Batuhan ng Maiilap na Kambing.
3 Siya'y(K) dumating sa mga kulungan ng kawan sa daan na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang dumumi.[c] Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nakaupo sa kaloob-loobang bahagi ng yungib.
4 At sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Narito ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kanya kung ano ang gusto mo.’” Nang magkagayo'y tumindig si David at lihim na pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
5 Pagkatapos, nagdamdam ang puso ni David sapagkat kanyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
6 At(L) sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon na binuhusan ng langis ng Panginoon, na aking saktan siya ng aking kamay[d] gayong siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.”
7 Kaya't nahikayat ni David ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng mga salitang ito, at hindi niya pinahintulutan sila na salakayin si Saul. Pagkatapos ay tumindig si Saul, lumabas sa yungib at nagpatuloy sa kanyang lakad.
8 Pagkatapos, si David ay tumindig, at lumabas sa yungib, at pasigaw na sinabi kay Saul, “Panginoon kong hari.” Nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kanyang mukha sa lupa at nagbigay galang.
9 At sinabi ni David kay Saul, “Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao na nagsasabi, ‘Tingnan mo, pinagsisikapan kang gawan ng masama ni David?’
10 Nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib, at sinabi sa akin ng iba na patayin kita. Ngunit hinayaan kita at aking sinabi, ‘Hindi ko sasaktan ng aking kamay ang aking panginoon, sapagkat siya ang binuhusan ng langis ng Panginoon.’
11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko. Tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay. Sapagkat sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal at hindi ko pagpatay sa iyo, matitiyak mo na wala kahit kasamaan o pagtataksil man sa aking sarili. Hindi ako nagkasala laban sa iyo, kahit tinutugis mo ako upang kunin ang aking buhay.
12 Hatulan nawa tayo ng Panginoon, at ipaghiganti nawa ako ng Panginoon sa iyo; ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng matatanda, ‘Sa masama nagmumula ang kasamaan,’ ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo.
14 Laban(M) kanino lumabas ang hari ng Israel? Sinong hinahabol mo? Isang patay na aso! Isang pulgas!
15 Ang Panginoon nawa ang humatol, maghukom sa pagitan natin, magsiyasat, ipagsanggalang ang aking usapin, at iligtas ako sa iyong kamay.”
16 Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito kay Saul, sinabi ni Saul, “Ito ba ay iyong tinig, anak kong David?” At inilakas ni Saul ang kanyang tinig, at umiyak.
17 Kanyang sinabi kay David, “Ikaw ay higit na matuwid kaysa akin sapagkat ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng masama.
18 Ipinahayag mo sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagkat nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay ay hindi mo ako pinatay.
19 Sapagkat kung matagpuan ng isang tao ang kanyang kaaway, hahayaan ba niyang makaalis na ligtas? Kaya't gantihan ka nawa ng mabuti ng Panginoon dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.
20 At ngayon, nalalaman ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.
21 Isumpa mo ngayon sa akin sa pamamagitan ng Panginoon na hindi mo puputulin ang aking lahi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sambahayan ng aking ama.”
22 At sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, si Saul ay umuwi ngunit si David at ang kanyang mga tauhan ay umakyat sa kuta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001