Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 4-7

Pinatay si Isboset

Nang mabalitaan ni Isboset,[a] na anak ni Saul, na si Abner ay namatay sa Hebron, ang kanyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat ng Israel ay nangamba.

Ang anak ni Saul ay may dalawang lalaki na mga punong-kawal ng mga pulutong na sumasalakay; ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng ikalawa ay Recab. Sila ay mga anak ni Rimon na Beerotita sa mga anak ni Benjamin (sapagkat ang Beerot ay ibinilang din sa Benjamin:

Ang mga Beerotita ay tumakas sa Gitaim, at nanirahan doon bilang mga banyaga hanggang sa araw na ito).

Si(A) Jonathan na anak ni Saul ay may isang anak na pilay ang mga paa. Siya'y limang taong gulang nang dumating ang balita tungkol kina Saul at Jonathan mula sa Jezreel. Kinuha siya ng kanyang yaya at tumakas at habang siya'y nagmamadali sa pagtakas, siya'y nahulog, at napilay. At ang kanyang pangalan ay Mefiboset.

At ang mga anak ni Rimon na Beerotita, na sina Recab at Baana, ay humayo at nang kainitan ang araw ay dumating sa bahay ni Isboset, habang siya ay nagpapahinga sa katanghaliang-tapat.

Sila ay pumasok sa bahay na parang kukuha ng trigo, at kanilang sinaksak siya sa tiyan. At sina Recab at Baana na kanyang kapatid ay tumakas.

Sila ay nakapasok sa bahay, habang siya'y nakahiga sa kanyang higaan sa kanyang silid. Kanilang sinalakay siya, pinatay, at pinugutan ng ulo. Kinuha nila ang kanyang ulo at umalis na tinahak ang Araba buong gabi.

Kanilang dinala ang ulo ni Isboset kay David sa Hebron. Sinabi nila sa hari, “Narito ang ulo ni Isboset na anak ni Saul na iyong kaaway na nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ng Panginoon ang aking panginoong hari sa araw na ito kay Saul, at sa kanyang binhi.”

Sinagot ni David si Recab at si Baana na kanyang kapatid, na mga anak ni Rimon na Beerotita, “Habang buháy ang Panginoon na siyang tumubos ng aking buhay mula sa bawat kaguluhan,

10 nang(B) sabihin sa akin ng isang tao, ‘Tingnan mo, si Saul ay patay na,’ na nag-aakalang nagdadala siya ng magandang balita, ay aking hinuli siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang gantimpalang ibinigay ko sa kanya dahil sa kanyang balita.

11 Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalaki ang isang taong matuwid sa kanyang sariling bahay sa kanyang higaan, hindi ko ba hihingin ngayon ang kanyang dugo sa inyong kamay, at puksain kayo sa lupa?”

12 Inutusan ni David ang kanyang mga kabataang tauhan, at kanilang pinatay sila, pinutol ang kanilang mga kamay at mga paa, at ibinitin ang mga iyon sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Ngunit kanilang kinuha ang ulo ni Isboset, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Si David ay Ginawang Hari ng Israel at Juda(C)

Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.

Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”

Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.

Si(D) David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.

Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.

Ang Zion ay Sinakop

Ang(E) hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”

Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.

Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”

Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.

10 Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.

11 Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.

12 Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.

13 Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.

14 Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,

15 Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;

16 Elisama, Eliada, at si Elifelet.

Tagumpay Laban sa Filisteo(F)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta.

18 Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim.

19 Sumangguni si David sa Panginoon, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng Panginoon kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”

20 Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim.

21 Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon.

22 Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim.

23 Nang sumangguni si David sa Panginoon ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo.

24 Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”

25 Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.

Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem(G)

Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.

Si(H) David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.

Kanilang(I) inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,

na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.

Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.

Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.

Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.

Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”

10 Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

11 Ang(J) kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.

12 Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.

13 Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.

14 Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.

16 Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

17 Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 Ang(K) kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.

20 Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”

21 Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.

22 Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”

23 At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Pabalita ni Natan kay David(L)

At nangyari nang ang hari ay nakatira na sa kanyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot.

Sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo ngayon, ako'y tumitira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng Diyos ay nakatira sa loob ng mga tabing.”

At sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo ang lahat ng nasa iyong isipan; sapagkat ang Panginoon ay kasama mo.”

Subalit nang gabi ring iyon, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Natan, na sinasabi,

“Humayo ka at sabihin mo sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ikaw ba ang magtatayo ng aking bahay na matitirahan?

Sapagkat hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula ng araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, kundi ako'y nagpapalipat-lipat sa tolda para sa aking tirahan.

Sa lahat ng dako na aking nilakarang kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan upang maging pastol ng aking bayang Israel, na nagsasabi, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang bahay na sedro?”’

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.

Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

10 Pipili ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y manirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag ng gambalain pa. Hindi na sila pahihirapan pa ng mga taong malulupit, na gaya nang una,

11 mula sa araw na ako'y humirang ng mga hukom sa aking bayang Israel; at bibigyan kita ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay sinasabi sa iyo ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.

12 Kapag(M) ang iyong mga araw ay naganap na at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga ninuno, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong katawan, at aking itatatag ang kanyang kaharian.

13 Siya'y magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, at aking itatatag ang trono ng kanyang kaharian magpakailanman.

14 Ako'y(N) magiging kanyang ama at siya'y magiging aking anak. Kapag siya'y gumawa ng kasamaan, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

15 ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pag-ibig gaya ng aking pagkaalis nito kay Saul, na aking inalis sa harap mo.

16 Ang(O) iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailanman sa harap ko; ang iyong trono ay matatatag magpakailanman.’”

17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng pangitaing ito ay nagsalita si Natan kay David.

Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(P)

18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?

19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.

21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.

22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.

23 Anong(Q) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?

24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,

26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.

27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.

28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001