Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Lucas 4-5

Tinukso si Jesus(A)

Si Jesus, na punô ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang,

na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.”

At(B) sumagot sa kanya si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.’”

Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo[a] sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan.

At sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig.

Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo.”

At(C) sumagot si Jesus sa kanya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”

Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito,

10 sapagkat(D) nasusulat,

‘Ipagbibilin ka niya sa mga anghel
    na ikaw ay ingatan,’

11 at,

‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay,
    baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’

12 At(E) sumagot si Jesus sa kanya, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”

13 Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(F)

14 Bumalik si Jesus sa Galilea na nasa kapangyarihan ng Espiritu at kumalat ang balita tungkol sa kanya sa palibot ng buong lupain.

15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at pinuri ng lahat.

Si Jesus ay Tinanggihan sa Nazaret(G)

16 Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa,

17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat,[b] at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat:

18 “Ang(H) Espiritu ng Panginoon ay nasa akin,
    sapagkat ako'y hinirang[c] niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha.
Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag,
    at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi,
19 upang ipahayag ang taon ng biyaya[d] mula sa Panginoon.”

20 Isinara niya ang aklat, isinauli ito sa tagapaglingkod at naupo. At ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatutok sa kanya.

21 At siya'y nagsimulang magsabi sa kanila, “Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.”

22 Lahat ay nagsalita ng mabuti tungkol sa kanya at namangha sa mga mapagpalang salita na lumabas sa kanyang bibig. At sinabi nila, “Hindi ba ito ay anak ni Jose?”

23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kawikaang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili.’ Ang anumang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin sa iyong lupain.”

24 Sinabi(I) niya, “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan.

25 Ngunit(J) ang totoo, maraming babaing balo sa Israel noong panahon ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan at nagkaroon ng malubhang taggutom sa buong lupain.

26 Ngunit(K) si Elias ay hindi sinugo sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang babaing balo sa Zarefta, sa lupain ng Sidon.

27 Maraming(L) ketongin sa Israel nang panahon ni propeta Eliseo, at walang sinumang nilinis sa kanila, maliban kay Naaman na taga-Siria.”

28 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, napuno ng galit ang lahat ng nasa sinagoga.

29 Sila'y tumindig, ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y ihulog nila nang patiwarik.

30 Ngunit dumaan siya sa gitna nila at siya'y umalis.

Isang Taong may Masamang Espiritu(M)

31 Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath.

32 Sila'y(N) namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.[e]

33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig,

34 “Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”

35 Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan.

36 Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila.”

37 Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon.

Pinapagaling ni Jesus ang Maraming Tao(O)

38 Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus[f] para sa kanya.

39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila.

40 Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling.

41 Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(P)

42 Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila.

43 Subalit sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito.”

44 Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea.[g]

Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(Q)

Samantalang(R) sinisiksik si Jesus[h] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.

Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.

Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.

Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”

Sumagot(S) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”

Nang(T) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,

kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.

Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”

Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,

10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”

11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(U)

12 Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na punô ng ketong.[i] Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin.”

13 Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, “Nais ko, maging malinis ka.” At agad nawala ang kanyang ketong.

14 Ipinagbilin(V) niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. “Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila.”

15 Subalit lalo niyang ikinalat ang balita tungkol kay Jesus. Nagtipon ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit.

16 Subalit umaalis si Jesus patungo sa ilang at nananalangin.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(W)

17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.

18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[j]

19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.

20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”

22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?

23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’

24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”

25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.

26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”

Tinawag ni Jesus si Levi(X)

27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[k] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.

29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.

30 Nagbulung-bulungan(Y) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.

32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(Z)

33 At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.”

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila?

35 Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.”

36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma.

37 At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat.

38 Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.

39 At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001