Beginning
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) oras na iyon ay lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
2 Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila.
3 Sinabi(C) niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
4 Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
5 At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
Mga Batong Katitisuran(D)
6 “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat.
7 Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran!
8 “Kaya't(E) kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan.
9 At(F) kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno[b] ng apoy.
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)
10 “Pag-ingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit.
[11 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.]
12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw?
13 At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.
14 Kaya't hindi kalooban ng inyong[c] Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(I) magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.
16 Ngunit(J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita.
17 Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis.
18 Katotohanang(K) sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit.
19 Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit.
20 Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”
21 Pagkatapos(L) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”
22 Sinabi(M) ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.[d]
Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.
24 Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.[e]
25 Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.
26 Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’
27 Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.
28 Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’
29 Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’
30 Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin[f] hanggang sa mabayaran nito ang utang.
31 Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
32 Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.
33 Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’
34 At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.
35 Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Diborsyo(N)
19 Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.
2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.
3 Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4 Ngunit(O) siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,
5 at(P) kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’
6 Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”
7 Sinabi(Q) nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’
8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.
9 At(R) sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.[g] At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”
10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”
11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.
12 Sapagkat may mga eunuko,[h] na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(S)
13 Pagkatapos ay dinala sa kanya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga tao.
14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalang lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”
15 Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.
Ang Binatang Mayaman(T)
16 May isang lumapit sa kanya at nagsabi, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”
17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? Iisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”
18 Sinabi(U) niya sa kanya, “Alin sa mga iyon?” At sinabi ni Jesus, “Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan;
19 Igalang(V) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito;[i] ano pa ang kulang sa akin?”
21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”
22 Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian.
23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit.
24 Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
25 Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”
27 Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?”
28 Sinabi(W) ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel.
29 At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.
30 Ngunit(X) maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001