Beginning
Ang Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.
2 Sapagkat(B) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.
3 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?
4 O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?
5 Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.
Humingi, Humanap, Tumuktok(C)
7 “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan.
8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
9 Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay?
10 O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?
11 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?
Ang Ginintuang Aral
12 “Kaya,(D) anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.
Ang Makipot na Pintuan(E)
13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.
14 Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.
Sa Bunga Makikilala(F)
15 “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat.
16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?
17 Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.
18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at mamunga ng mabuti ang masamang puno.
19 Bawat(G) puno na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol, at itinatapon sa apoy.
20 Kaya't(H) makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.
Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(I)
21 “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.
22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’
23 At(J) kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’
Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(K)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.
25 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato.
26 Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan.
27 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak.”
28 At(L) nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral;
29 sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(M)
8 Nang bumaba si Jesus[a] mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao;
2 at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, “Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako.”
3 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, “Ibig ko. Maging malinis ka.” At nalinis kaagad ang kanyang ketong.
4 At(N) sinabi ni Jesus sa kanya, “Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”
Pinagaling ang Alipin ng Senturion(O)
5 Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya,
6 at nagsasabi, “Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan.”
7 Sinabi niya sa kanya, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”
8 Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay,[b] ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin.
9 Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo; at sa iba naman, ‘Halika,’ at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.”
10 Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.
11 Sinasabi(P) ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit,
12 ngunit(Q) ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”
13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus(R)
14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat.
15 Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit.
17 Ito(S) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman.”
Ang Pagsunod kay Jesus(T)
18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, ipinag-utos niyang tumawid sa kabilang pampang.
19 Lumapit ang isang eskriba at nagsabi sa kanya, “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magtungo.”
20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad; ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapagpahingahan ng kanyang ulo.”
21 Isa pa sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.”
22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin; at hayaan mong ang mga patay ang maglibing sa sarili nilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(U)
23 Nang makasakay si Jesus[c] sa bangka, sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
24 At dumating ang isang malakas na bagyo sa dagat, anupa't matatabunan na ng alon ang bangka; ngunit siya ay natutulog.
25 Lumapit sila sa kanya at siya ay ginising, na nagsasabi, “Panginoon, iligtas mo kami; mamamatay kami!”
26 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot, O kayong maliliit ang pananampalataya?” Kaya't bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang dagat, at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.
27 Kaya't namangha ang mga tao, na nagsasabi, “Anong uring tao ito na maging ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(V)
28 Nang makarating si Jesus[d] sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya't walang makadaan doon.
29 Sila ay sumigaw na nagsasabi, “Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?”
30 Sa may kalayuan sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain.
31 At nagmakaawa sa kanya ang mga demonyo, na nagsasabi, “Kung palalayasin mo kami ay papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”
32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo.” Lumabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ng mga baboy ay bumulusok sa bangin patungo sa dagat at namatay sila sa tubig.
33 Tumakas ang mga tagapag-alaga ng mga iyon; at pagpasok nila sa bayan ay sinabi nila ang buong pangyayari at ang nangyari sa mga inalihan ng mga demonyo.
34 Lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus at pagkakita nila sa kanya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang nasasakupan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001