Beginning
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lumpo(A)
9 Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus[a] at dumating sa kanyang sariling bayan.
2 Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
3 Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.”
4 Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama?
5 Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?’ o sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
6 Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan,” kaya't sinabi niya sa lumpo, “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
7 Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay.
8 Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.
Ang Pagtawag kay Mateo(B)
9 Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumayo at sumunod sa kanya.
10 Habang(C) nakaupo[b] siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
12 Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
13 Kaya,(D) humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)
14 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno[c] ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”
15 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.
16 Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit.
17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.
Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(F)
18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”
19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.
20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;
21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”
22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.
23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,
24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.
25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.
26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Nakakita ang Dalawang Bulag
27 Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.”
28 Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.”
29 Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”
30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.”
31 Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.
Nakapagsalita ang Isang Pipi
32 Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.
33 Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.”
34 Ngunit(G) sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”[d]
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot(H) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.
36 Nang(I) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.
37 Kaya't(J) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;
38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Labindalawang Apostol(K)
10 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus[e] ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman.
2 Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid;
3 si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo;
4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(L)
5 Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano;
6 kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel.
7 At(M) habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’
8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera;
10 o(N) supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain.
11 Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito.
13 At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan.
14 Sinumang(O) hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.[f]
15 Katotohanang(P) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(Q)
16 “Ngayon,(R) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.
17 Mag-ingat(S) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,
18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;
20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipagkakanulo(T) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.
22 At(U) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.
23 Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.’
24 “Hindi(V) nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon.
25 Sapat(W) na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya!
Ang Dapat Katakutan(X)
26 “Kaya,(Y) huwag ninyo silang katakutan sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman.
27 Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan.
28 At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa, kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.
29 Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama.
30 At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat.
31 Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(Z)
32 “Kaya't ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
33 Ngunit(AA) sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
Hindi Kapayapaan kundi Tabak(AB)
34 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.
35 Sapagkat(AC) pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae.
36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay.
37 Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin;
38 at(AD) ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
39 Ang(AE) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
Mga Gantimpala sa Tumatanggap(AF)
40 “Ang(AG) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.
41 Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid.
42 At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001