Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Marcos 10-11

Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Mula roon, siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila.

Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”

At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”

Sinabi(B) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”

Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.

Ngunit(C) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’

‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;

at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.

Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”

10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.

11 At(E) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.

12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

15 Tunay(G) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”

16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

19 Nalalaman(I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”

21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.

23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.

25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”

29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,

30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.

31 Ngunit(J) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”

Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(K)

32 Sila'y nasa daang paakyat sa Jerusalem at nauuna sa kanila si Jesus. Sila'y namangha at ang mga sumunod ay natakot. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa kanya

33 na sinasabi, “Tingnan ninyo, umaahon tayo patungo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga Hentil.

34 Siya'y kanilang tutuyain, at duduraan, siya'y hahampasin at papatayin. Pagkaraan ng tatlong araw siya ay muling mabubuhay.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(L)

35 Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, “Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.”

36 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?”

37 Sinabi nila sa kanya, “Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.”

38 Subalit(M) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?”

39 Sumagot sila, “Kaya namin.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.

40 Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito.”

41 Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan.

42 Kaya't(N) sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, “Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila.

43 Subalit(O) hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo;

44 at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.

45 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(P)

46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.

47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”

50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.

51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[b] ibig kong muling makakita.”

52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(Q)

11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus[c] ang dalawa sa kanyang mga alagad,

at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon.

At kung may magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at ipadadala niya agad rito.”

Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito.

Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?”

At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila.

Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito.

Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid.

Ang(R) mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, “Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!

10 Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!”

11 Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(S)

12 Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya.

13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.

14 Sinabi niya rito, “Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Ito'y narinig ng kanyang mga alagad.

Si Jesus sa Templo(T)

15 Pagkatapos ay dumating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga bumibili sa loob ng templo. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati.

16 Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na magdala ng anuman na padadaanin sa templo.

17 Nagturo(U) siya at sinabi, “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga eskriba at sila'y naghanap ng paraan kung paano nila siya mapapatay, sapagkat natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang namangha sa kanyang aral.

19 Nang sumapit na ang gabi, sila ay lumabas sa lunsod.

Ang Aral mula sa Namatay na Punong Igos(V)

20 Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat.

21 Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, “Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.”

22 At sumagot si Jesus sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.

23 Katotohanang(W) sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya.

24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.

25 Kapag(X) kayo'y nakatayo na nananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman; upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa langit.

26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.]”

Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(Y)

27 Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.

28 Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”

29 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.

30 Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”

31 Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’

32 Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.

33 Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001