Book of Common Prayer
Si Pablo sa Jerusalem
21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila ay naglakbay kami patungong Cos. Kinabukasa'y nagtungo naman kami sa Rodas, at buhat doon ay sa Patara. 2 Dinatnan namin doon ang isang barkong daraan sa Fenicia, kaya sumakay kami at naglakbay. 3 Dumaan kami sa dakong timog ng Cyprus, pagkatapos ay patuloy na naglayag hanggang sa Syria. Dumaong kami sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. 4 Nakatagpo kami roon ng mga alagad at isang linggo kaming tumigil sa piling nila. Sa patnubay ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. 5 Nang dumating na ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Inihatid kami ng lahat ng mga kapatid, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, hanggang sa labas ng bayan. Pagdating sa baybayin, kami'y sama-samang lumuhod at nanalangin. 6 Matapos magpaalam sa isa't isa, sumakay kami ng barko, at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7 Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay mula sa Tiro, hanggang dumating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid doon at nanatiling kasama nila ng isang araw. 8 Kinabukasan, (A) nagtungo kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong tagapaglingkod. 9 Siya ay may apat na anak na dalaga na nagpapahayag ng propesiya. 10 Ilang araw na kaming naroroon (B) nang dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at tinalian niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Banal na Espiritu, ‘Ganito tatalian ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’ ” 12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lang ninyo ang loob ko. Handa ako, hindi lamang mabilanggo kundi kahit mamatay sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14 Tumigil kami nang hindi namin siya mapigil. Sinabi na lamang namin, “Mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Umalis doon si Jesus at tumawid sa ibayo ng Jordan at nagpunta sa lupain ng Judea. Muli siyang dinagsa ng napakaraming tao. Tulad ng kanyang nakasanayan, sila'y kanyang tinuruan. 2 Ilang Fariseo ang dumating at nagtanong upang siya'y subukin, “Naaayon ba sa Kautusan na paalisin ng isang lalaki at hiwalayan ang kanyang asawa?” 3 “Ano ba ang utos sa inyo ni Moises?” sagot ni Jesus. 4 Sinabi (B) nila, “Pinahintulutan ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay ang lalaki at pagkatapos ay paalisin ang kanyang asawa.” 5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso kaya isinulat ni Moises ang utos na iyon! 6 Ngunit (C) sa simula pa ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan, ‘nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’ 7 ‘Dahil (D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at sasamahan niya ang kanyang asawa. 8 Silang dalawa ay magiging isang laman.’ At hindi na sila dalawa, kundi isa. 9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” 10 Pagdating nila sa bahay, muli siyang tinanong ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi (E) niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya. 12 At kung humiwalay ang babae sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (G) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.