Book of Common Prayer
Panalangin Upang Magtagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
2 Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
4 Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
7 Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
8 Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.
9 O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
ang aming panawagan, ay iyong sagutin.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
2 Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[b]
3 Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
4 Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
ng mahabang buhay, na magpakailanman.
5 Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
6 Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
7 Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
8 Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
9 Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
sapagkat sila'y lilipulin ng hari.
11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
sila'y uurong at patatakbuhin.
13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.
Si Yahweh at ang Piniling Hari
Isang Awit na katha ni David.
110 Sinabi(A) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
3 Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
4 Si(B) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
5 Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
6 Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
7 Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan
116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
2 ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
5 Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
7 Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
9 Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
117 Purihin(B) si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
2 Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh!
17 Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lungsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at isinakdal sa pamahalaang Romano. 18 Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. 19 Ngunit(A) tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Nakagapos ako sa tanikalang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.”
21 Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. 22 Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.”
23 Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus. 24 May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. 25 Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
26 ‘Pumunta(B) ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila,
Makikinig kayo nang makikinig ngunit hindi kayo makakaunawa,
at titingin kayo nang titingin ngunit hindi kayo makakakita.
27 Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito,
tinakpan ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Kung hindi, makakakita sana ang kanilang mga mata,
makakarinig ang kanilang mga tainga,
at makakaunawa ang kanilang mga pag-iisip.
at magbabalik-loob sila sa akin,
at sila'y aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’”
28 Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” [29 Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio'y umalis at mahigpit na nagtalu-talo.][a]
30 Nanirahan si Pablo sa Roma nang dalawang taon, sa bahay na kanyang inupahan, at tinanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31 Siya'y buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”
41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”
42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(B)
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.
Ang Pinakadakila(C)
46 At(D) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(E) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(F)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”
50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.