Book of Common Prayer
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Qof)
145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.
Panalangin Upang Maligtas
(Resh)
153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159 Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160 Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.
Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh
(Shin)
161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
(Taw)
169 O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170 Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172 Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.
Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.
2 Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
3 Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
4 Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
5 Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
6 ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!
2 “Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
3 Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
4 Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”
5 Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
6 Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
7 di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
8 Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
“Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Sumpa sa mga Mapang-api
2 Kakila-kilabot ang mangyayari sa mga hindi na natutulog dahil sa pagbabalak ng kasamaan at maagang bumabangon upang agad itong isagawa sa sandaling magkaroon ng pagkakataon. 2 Kapag nagustuhan nila ang lupa ng may-lupa, kinakamkam nila ito. Inaapi nila ang mga tao sa pamamagitan ng pandaraya upang maalipin nila ang pamilya ng mga ito at masamsam ang kanilang mga ari-arian.
3 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh, “Paparusahan ko ang sambahayang ito, at walang sinumang makakatakas dito. Hindi na kayo muling makapagmamataas pagkaraan ng araw ng inyong kapahamakan. 4 Sa araw na iyon ay kukutyain kayo ng inyong mga kaaway sa pamamagitan ng pag-awit tungkol sa inyong kasawian:
‘Ganap na kaming nawasak;
inalis na ni Yahweh ang aming karapatan sa mga lupaing bahagi ng aming sambahayan
at pinaghati-hati ang mga ito sa mga bumihag sa amin.’”
5 Kaya't kapag dumating na ang panahong ibabalik na ni Yahweh ang lupain sa kanyang bayan, wala na kayong bahagi dito.
6 Sasabihin nila, “Huwag kang magpahayag. Huwag mong ipahayag ang gayong mga bagay. Hindi kami ilalagay ng Diyos sa kahihiyan. 7 Sa palagay mo ba'y hinahatulan ang sambayanan ng Israel? Ubos na ba ang pasensiya ni Yahweh? Talaga bang magagawa niya iyon? Hindi ba't mabait siya sa mga gumagawa ng matuwid?”
8 Sumagot si Yahweh, “Subalit sinasalakay ninyo na parang kaaway ang aking bayan. Nagsisiuwi sila mula sa digmaan na ang akala'y ligtas sila sa kanilang bayan. Ngunit naroon pala kayo at naghihintay upang sila'y hubaran.
9 “Itinaboy ninyo ang mga kababaihan ng aking bayan mula sa kanilang mga tahanang pinagyayaman. Lubusan ninyong pinagkait ang aking pagpapala sa kanilang mga anak. 10 Maghanda kayo at umalis dito; hindi na ligtas ang dakong ito para sa inyo. Sinumpa na ng inyong mga kasalanan ang dakong ito at ito'y wawasakin.
11 “Ang gusto nilang propeta ay iyong nagpapahayag ng kasinungalingan at pandaraya at nagsasabing, ‘Sasagana kayo sa alak.’
12 “Gayunman, darating ang panahon na kayong mga naiwan sa Israel ay titipunin ko. Pagsasama-samahin ko kayo, tulad ng mga tupa sa kawan. Gaya ng pastulang puno ng mga tupa, ang inyong lupain ay mapupuno ng mga tao.”
13 Magbubukas ang Diyos ng daan para sa kanila at palalayain sila mula sa pagkabihag. Magtatakbuhan silang palabas sa mga pintuang lunsod at magiging malaya. Si Yahweh mismo na kanilang hari ang sa kanila'y mangunguna.
Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix
23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”
25 At sumulat siya ng ganito,
26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! 27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. 28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. 29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. 30 At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”
31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. 32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. 33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. 34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, 35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador.
Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(A)
18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[a] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(B) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(C) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
upang ihanda ang iyong daraanan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”
29 Ang(D) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.
31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,
‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’
33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.