Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 120-127

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
    kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
    gayon nagtatanggol
    sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.

Taong masasama
    ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
    sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.

Kapayapaan para sa Israel!

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.

127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
    ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
    ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
    maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.

Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
    ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
    ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
    kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.

Mikas 1:1-9

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Mikas na isang taga-Moreset. Noong panahon ng paghahari sa Juda ni Haring Jotam, Haring Ahaz, at Haring Hezekias, sinabi sa kanya ni Yahweh ang mga pahayag tungkol sa Samaria at sa Jerusalem.

Pagdadalamhati para sa Samaria at sa Jerusalem

Pakinggan ninyo ito, mga bansa,
    kayong lahat na naninirahan sa buong daigdig.
Ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo ay pakinggan.
    Siya'y nagsasalita buhat sa kanyang banal na templo.
Lalabas si Yahweh mula sa kanyang dakong banal.
    Bababâ at maglalakad sa mga sagradong bundok.
Sa sandaling yapakan niya ang mga bundok,
    ang mga ito'y matutunaw.
At ang mga libis ay mabibiyak na gaya ng kandilang nadarang sa init ng apoy,
    gaya ng tubig na aagos mula sa burol.
Ang lahat ng ito'y magaganap dahil sa pagsuway ng lahi ni Jacob,
    dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Sino ang dapat sisihin sa paghihimagsik ng Israel?
    Walang iba kundi ang Samaria!
Sino ang sumamba sa mga diyus-diyosan?
    Walang iba kundi ang mga taga-Jerusalem!
Kaya't sinabi ni Yahweh,
“Gigibain ko ang Samaria at lubusang iguguho, hanggang siya'y maging isang bunton ng lupa,
    na angkop lamang pagtaniman ng ubas.
Paguguhuin ko papunta sa libis ang kanyang mga bato,
    at wawasakin ko ang kanyang mga pundasyon.
Madudurog ang lahat ng imahen doon;
    masusunog ang lahat ng ibinabayad ng mga sumasamba roon.
    At ang mga diyus-diyosan doon ay mawawasak;
sapagkat ang mga ito'y bayad sa mga upahang babae ng mga sumasamba sa mga diyus-diyosan,
    kaya't iyon ay tatangayin ng kanilang mga kaaway.”

Dahil dito'y mamimighati ako at tatangis.
    Lalakad akong hubad at nakayapak.
Mananaghoy akong gaya ng mga asong-gubat,
    at mananangis na tulad ng mga kuwago.
Sapagkat ang sugat ng Samaria ay hindi na gagaling.
    Ito rin ay kakalat sa buong Juda;
papasok sa pinto ng Jerusalem
    na tirahan ng aking bayang pinili.

Mga Gawa 23:12-24

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.”

16 Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. 17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”

18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”

19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. 21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”

22 “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo.

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”

Lucas 7:1-17

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(A)

Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”

Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”

Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda

11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.