Book of Common Prayer
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
9 Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”
12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
16 Sa(E) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(F) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(G) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(H) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(I) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
23 Sa(J) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(K) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26 Saka(L) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(M) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(N) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(O) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(P) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(Q) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(R) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(S) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
37 Pagkatapos(T) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(U) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(V) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(W) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(X) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 “Hipan ang tambuli sa Gibea!
Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
9 Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.
10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
at bukbok sa sambahayan ni Juda.
13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
at walang makakapagligtas sa kanila.
15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”
Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel
6 “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
2 Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
3 Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”
Ang Tugon ni Yahweh
4 “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
gaya ng hamog na dagling napapawi.
5 Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[a] hatol.
6 Sapagkat(A) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.
Ang Pagdakip kay Pablo
27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(A) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.
30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.
34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
6 Isang(B) Araw ng Pamamahinga,[a] nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. 2 “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.
3 Sinagot(C) sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? 4 Di(D) ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” 5 At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Ang Taong Paralisado ang Kamay(E)
6 Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[b] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. 7 Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. 8 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.
11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.