Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 5-6

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Awit 10-11

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
    Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
    nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.

Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
    si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
    sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.

Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
    ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
    palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
    kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
    dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.

Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
    upang paslangin ang walang kamalay-malay.
Para silang leon na nasa taguan,
    mga kawawang dukha'y inaabangan,
    hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
    at pagkatapos ay kinakaladkad.

10 Dahan-dahan silang gumagapang,
    upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
    Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”

12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
    silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
    na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?

14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
    at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
    sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.

15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
    parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.

16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
    mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.

17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
    patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
    upang wala nang taong mananakot ng kapwa.

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Jonas 1

Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh: “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.” Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.

Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko. Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.

Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”

Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?”

Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!”

11 Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?”

12 “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya.

13 Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. 14 Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.” 15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat. 16 Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya.

17 Sa(B) utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito.

Mga Gawa 26:24-27:8

24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”

25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”

28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”

29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”

30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. 31 Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” 32 At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”

Naglakbay si Pablo Papuntang Roma

27 Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Batalyon ng Emperador.” Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na isang taga-Macedonia na nagmula sa Tesalonica. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabuti ang pakikitungo ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lungsod ng Licia. Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon.

Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa panig ng Creta na kubli sa hangin, sa tapat ng Salmone. Nahirapan kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea.

Lucas 8:40-56

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea(A)

40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.

Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43 Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. [Naubos na ang kanyang kabuhayan sa mga manggagamot.][a] 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?”

Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!”

46 Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”

47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka nang mapayapa.”

49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.”

50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52 Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.”

53 Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Bumangon ka, bata!” 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain. 56 Manghang-mangha ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangyayaring ito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.