Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Panginoon
5 O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
2 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
3 Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
4 Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
5 Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
6 Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
7 Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.
8 O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
9 Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila sa kagalakan.
Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
Panalangin upang Tulungan
10 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?
Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
2 Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
3 Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
Pinupuri nila ang mga sakim,
ngunit kinukutya ang Panginoon.
4 Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
binabalewala nila ang Dios,
at ayaw nila siyang lapitan.
5 Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
6 Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
7 Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
8 Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
9 Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
hanggang sa hindi na makabangon.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.
12 Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13 O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.
16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
Hindi Sumunod si Jonas sa Panginoon
1 Nagsalita ang Panginoon kay Jonas na anak ni Amitai. Sinabi niya, 2 “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at bigyan mo ng babala ang mga taga-roon, dahil umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasamaan.” 3 Pero tumakas agad sa Panginoon[a] si Jonas at nagpasyang pumunta sa Tarshish. Pumunta siya sa Jopa at nakakita siya roon ng barkong paalis papuntang Tarshish. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumakay sa barko kasama ng mga tripulante at ng iba pang mga pasahero upang tumakas sa Panginoon.
4 Nang nasa laot na sila, nagpadala ang Panginoon ng napakalakas na hangin at halos mawasak na ang barko. 5 Kaya natakot ang mga tripulante, at ang bawat isa sa kanila ay humingi ng tulong sa kani-kanilang dios. Itinapon nila ang kanilang mga kargamento sa dagat para gumaan ang barko.
Si Jonas naman ay nakababa na noon sa ilalim na bahagi ng barko, humiga siya at nakatulog nang mahimbing. 6 Pinuntahan siya ng kapitan ng barko at sinabi sa kanya, “Nagagawa mo pang matulog sa ganitong kalagayan? Bumangon ka at humingi ng tulong sa iyong dios! Baka sakaling maawa siya sa atin, at iligtas niya tayo sa kamatayan.”
7 Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan na lang tayo upang malaman natin kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito sa atin.” At nang magpalabunutan na sila, nabunot ang pangalan ni Jonas. 8 Kaya kinausap nila siya, “Gusto naming malaman kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito. Sabihin mo kung ano ang iyong hanapbuhay at kung saan ka nanggaling. Sabihin mo rin sa amin kung taga-saan ka at anong lahi mo.” 9 Sumagot si Jonas, “Ako ay Hebreo at sumasamba sa Panginoon, ang Dios sa langit[b] na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Kaya lubhang natakot ang mga tripulante, dahil sinabi na sa kanila ni Jonas na tumatakas siya sa Panginoon. Sinabi nila sa kanya, “Ano itong ginawa mo!”
11 At nang lalo pang lumakas ang hangin, sinabi ng mga tripulante kay Jonas, “Ano ang gagawin namin sa iyo para kumalma ang dagat at nang makaligtas kami sa kapahamakan?” 12 Sumagot si Jonas sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat, at kakalma ito. Sapagkat alam kong ako ang dahilan kung bakit dumating ang napalakas na hangin na ito.” 13 Hindi nila sinunod si Jonas, sa halip, sinikap ng mga tripulante na sumagwan papunta sa dalampasigan, pero nahirapan sila dahil lalo pang lumakas ang hangin. 14 Kaya tumawag sila sa Panginoon. Sinabi nila, “O Panginoon, nakikiusap po kami sa inyo, huwag nʼyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin kay Jonas. Huwag po ninyo kaming singilin sa aming pagpatay sa kanya na hindi pa naman namin natitiyak kung siya nga ay nagkasala. Pero alam po namin na ang mga nangyayaring ito ay ayon sa inyong kalooban.” 15 Kaya binuhat nila si Jonas at inihagis sa nagngangalit na dagat, at kumalma nga ito. 16 Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng malaking paggalang ang mga tao sa Panginoon. Kaya naghandog sila at nangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod at paghahandog sa kanya.
17 Samantala, nagpadala ang Panginoon ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda.
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”
Ang Biyahe ni Pablo Papuntang Roma
27 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador. 2 Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 4 Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin. 5 Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia. 6 Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.
7 Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone. 8 Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.
Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)
40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.
Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®