Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios
120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Jerusalem
122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
“Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
2 At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
3 Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
4 Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
5 Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
6 Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
“Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
7 Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”
8 Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
“Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan
124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?”
Sumagot kayo mga taga-Israel!
2 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
3 maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
6 Purihin ang Panginoon,
dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
na parang mababangis na hayop.
7 Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
8 Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[b] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
1 Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem.[a] Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia.
Sinabi ni Micas: 2 Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo.[b] Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.[c]
Parurusahan ang Israel at Juda
3 Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo. 4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar. 5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda.[d] Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan. 6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito. 7 Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo.[e] Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”
8 Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat[f] at tulad ng paghuni ng kuwago. 9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod[g] ng aking mga kababayan.
Ang Planong Pagpatay kay Pablo
12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”
16 Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” 18 Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” 19 Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” 20 Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. 21 Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” 22 Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinadala si Pablo sa Cesarea
23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.”
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(A)
7 Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. 2 May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. 3 Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. 4 Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. 5 Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”
6 Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. 7 Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. 8 Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” 9 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Patay na Binata
11 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang mga tagasunod niya at ang maraming tao. 12 Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan ng Nain, nakasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda. Marami ang nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon sa biyuda nang makita niya ito. Sinabi niya sa biyuda, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan ni Jesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay upang tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Jesus, “Binata, bumangon ka!” 15 Umupo ang patay at nagsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Inalala tayo ng Dios. Isinugo niya sa atin ang isang dakilang propeta.” 17 At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®