Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 105

Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)

105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
    Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
    at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
    alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
Siya ang Panginoon na ating Dios,
    siya ang humahatol sa buong mundo.
Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
– ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”

12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
    Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
    Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
    Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.

23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
    at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
    at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
    ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
    kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
    at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.

37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
    at may dala pa silang mga pilak at ginto.
    At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
    at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
    at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
    Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
    ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
    upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.

    Purihin ang Panginoon!

Hosea 5:8-6:6

Ang Labanan ng Juda at Israel

“Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.[a] Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel! 10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon[b] dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha. 11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan. 12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.

13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan,[c] humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.[d] 14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila. 15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”

Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel

Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[e] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”

Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[f] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[g] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog.

Gawa 21:27-36

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Lucas 6:1-11

Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)

Nang isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio at nangaral. May isang lalaki roon na paralisado ang kanang kamay. Binantayang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo si Jesus kung magpapagaling siya sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Tumayo ka at lumapit dito sa harapan.” Lumapit nga ang lalaki at tumayo sa harapan. Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan silang lahat ni Jesus, at pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kamay niya at gumaling ito. 11 Pero galit na galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kaya pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®