Book of Common Prayer
Ang Panaghoy ng mga Taga-Israel nang Silaʼy Nabihag
137 Nang maalala namin ang Zion, umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2 Isinabit na lang namin ang aming mga alpa sa mga sanga ng kahoy.
3 Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila,
“Awitan ninyo kami ng mga awit tungkol sa Zion!”
4 Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5 Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6 Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin at ituturing na malaking kasiyahan ang Jerusalem.
7 Panginoon, alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8 Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9 Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
5 Mga taga-Jerusalem, ihanda ninyo ang inyong mga kawal, dahil napapaligiran na kayo ng mga kalaban. Hahampasin nila ng tungkod ang mukha ng pinuno ng Israel.
Ang Ipinangakong Pinuno mula sa Betlehem
2 Sinabi ng Panginoon, “Betlehem Efrata, kahit na isa ka sa pinakamaliit[a] na bayan sa Juda, manggagaling sa iyo ang taong maglilingkod sa akin bilang pinuno ng Israel. Ang kanyang mga ninuno ay kilalang-kilala noong unang panahon.”
3 Kaya ang mga mamamayan ng Israel ay ipapaubaya ng Panginoon sa kanilang mga kaaway hanggang sa maisilang ng babaeng namimilipit sa sakit[b] ang sanggol na lalaki na mamumuno sa Israel. Pagkatapos, ang mga kababayan ng pinunong ito na nabihag ng ibang bansa ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita. 4 Pamamahalaan niya ang mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Panginoon. Ang katulad niyaʼy isang pastol na nagbabantay ng kanyang kawan. Kaya mamumuhay sila nang mapayapa dahil kikilalanin ng mga tao sa buong mundo[c] ang kanyang kadakilaan.
Lilipulin ng Panginoon ang mga Walang Kabuluhang Pinagkakatiwalaan ng mga Israelita
10 Sinabi ng Panginoon, “Sa mga araw na iyon, ipapapatay ko ang inyong mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lungsod pati na ang mga napapaderang lungsod. 12 Sisirain ko ang inyong mga anting-anting at mawawala ang inyong mga mangkukulam. 13 Hindi na kayo sasamba sa mga imahen at sa mga alaalang bato na inyong ginawa, dahil wawasakin ko ang mga ito. 14 Sisirain ko rin ang inyong mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. At wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Sa aking matinding galit, maghihiganti ako sa mga bansang sumuway sa akin.”
Pinaharap si Pablo kay Haring Agripa
13 Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa[a] at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus. 14 Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix. 15 Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya. 17 Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito. 18 Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala. 19 Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya. 20 Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso. 21 Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”
Nagsalita si Pablo kay Agripa
23 Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo, 24 sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin. 25 Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador. 26 Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat. 27 Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”
Ang Aral Mula sa Ilaw(A)
16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.[a]
18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(B)
19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(C)
22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro![b] Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25 Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®