Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Dios
140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
2 Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
3 Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
4 Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
5 Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.
6 Panginoon, kayo ang aking Dios.
Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
7 Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
8 Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
baka silaʼy magmalaki.
9 Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.
12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.
Panalangin para Iligtas ng Dios
142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
4 Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
5 Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
6 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
dahil wala na akong magawa.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
dahil silaʼy mas malakas sa akin.
7 Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.
Panalangin para Ilayo sa Kasamaan
141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
2 Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
4 Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
5 Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
Itoʼy parang langis sa aking ulo.
Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
6 Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
7 Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”
8 Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
9 Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.
Panalangin sa Oras ng Kahirapan
143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2 Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3 Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4 Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5 Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6 Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
7 Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8 Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ako nananalangin.
9 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Dios.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[a] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.
Ang Kautusan ng Panginoon ay Magbibigay ng Kapayapaan(A)
4 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok. Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa. 2 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon. 3 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa, pati na ang mga makapangyarihang bansa sa malayo. Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at gagawing karit na pantabas ang kanilang mga sibat. 4 Ang bawat tao ay uupo sa ilalim ng kanilang tanim na ubas at puno ng igos nang walang kinatatakutan. Mangyayari ito, dahil sinabi mismo ng Panginoong Makapangyarihan. 5 Kahit na sumunod ang mga tao sa mga dios-diosan nila, kami ay patuloy pa ring susunod sa Panginoon na aming Dios magpakailanman.
Humarap si Pablo kina Felix at Drusila
24 Pagkaraan ng ilang araw, bumalik si Felix at dinala niya ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at nakinig siya sa mga pahayag ni Pablo tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Pero nang magpaliwanag si Pablo tungkol sa matuwid na pamumuhay, sa pagpipigil sa sarili, at tungkol sa darating na Araw ng Paghuhukom, natakot si Felix at sinabi niya kay Pablo, “Tama na muna iyan! Ipapatawag na lang kitang muli kung sakaling may pagkakataon ako.” 26 Palagi niyang ipinapatawag si Pablo at nakikipag-usap dito, dahil hinihintay niyang suhulan siya ni Pablo. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, pinalitan si Felix ni Porcius Festus bilang gobernador. At dahil sa nais ni Felix na magustuhan siya ng mga Judio, pinabayaan niya si Pablo sa bilangguan.
Umapela si Pablo kay Festus
25 Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea. 2 Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor, 3 na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin). 4 Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon. 5 Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”
6 Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo. 7 Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan. 8 Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.” 9 Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?” 10 Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan. 11 Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!” 12 Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”
Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus
8 Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol 2 at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[a] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, 3 si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:
5 “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. 6 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.”[b] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”[c]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
9 Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”[d]
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®