Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 18

Ang Panginoon ay pinuri dahil sa pagbibigay ng tagumpay at kapangyarihan. Sa Pangulong Manunugtog. Awit (A)ni David na lingkod ng Panginoon, na siyang nagsalita sa Panginoon ng mga salita ng awit na ito sa kaarawan na iniligtas siya ng (B)Panginoon sa kamay ng lahat niyang kaaway, at sa kamay ni Saul; at kaniyang sinabi,

18 (C)Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking (D)kalakasan.
Ang Panginoon ay aking (E)malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas;
Aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako;
Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.
Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin:
Sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.
Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan,
At tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko:
Ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin.
Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
At dumaing ako sa aking Dios:
Dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo,
At ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.
Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
Ang mga patibayan naman (F)ng mga bundok ay nakilos,
At nauga, sapagka't siya'y napoot.
Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong,
At (G)apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok:
Mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.
Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba;
At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad:
(H)Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, (I)ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya;
Mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.
12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap,
(J)Mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit,
(K)At pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig;
Mga granizo, at mga bagang apoy.
14 (L)At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila;
Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.
15 (M)Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig,
At ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan,
Sa iyong pagsaway, Oh Panginoon,
Sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.
16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako;
Sinagip niya ako sa maraming tubig.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan,
Nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.
19 (N)Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako;
Iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.
20 (O)Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.
21 Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon,
At hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.
22 Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko,
At (P)hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.
23 Ako rin nama'y sakdal sa kaniya,
At ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.
24 (Q)Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.
25 (R)Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin;
Sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;
26 Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay;
At sa matigas na loob ay pakikilala kang (S)mapagmatigas.
27 Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan:
Nguni't ang mga (T)mapagmataas na mata ay iyong ibababa.
28 (U)Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan;
Liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.
29 Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo;
At sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.
30 Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal:
(V)Ang salita ng Panginoon ay subok;
Siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,
31 (W)Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon?
At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?
32 Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
At nagpapasakdal sa aking lakad.
33 (X)Kaniyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng mga paa ng mga usa:
At (Y)inilalagay niya ako sa aking mga mataas na dako.
34 (Z)Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay na makipagdigma,
Na anopa't ang aking mga kamay ay bumabali ng busog na tanso.
35 Iyo namang ibinigay sa akin ang kalasag na iyong pangligtas:
At inalalayan ako ng iyong kanan,
At pinadakila ako ng iyong kahinahunan.
36 Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
At ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
37 Aking hahabulin ang aking mga kaaway, at aabutan ko sila:
Hindi man ako babalik hanggang sa sila'y malipol.
38 Aking sasaktan sila, na anopa't sila'y huwag makatayo:
Sila'y mangalulugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagka't iyong binigkisan ako ng kalakasan sa pagbabaka:
Iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin.
40 Iyo rin namang pinatatalikod sa akin ang aking mga kaaway,
Upang aking maihiwalay silang nangagtatanim sa akin.
41 Sila'y nagsihiyaw, nguni't walang magligtas:
(AA)Pati sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila.
42 Nang magkagayo'y aking dinurog sila na gaya ng alabok sa harap ng hangin:
(AB)Aking inihagis sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 (AC)Iniligtas mo ako sa mga pakikipagtalo sa bayan;
(AD)Iyong ginawa ako na pangulo ng mga bansa:
(AE)Isang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin.
44 (AF)Pagkarinig nila sa akin ay tatalimahin nila ako;
Ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin.
45 Ang mga taga ibang lupa ay manganghihiluka,
At sila'y magsisilabas na nanganginginig mula sa kanilang mga taguang dako.
46 Mabuhay nawa ang Panginoon at maging mapalad nawa ang aking malaking bato;
At dakilain ang Dios ng aking kaligtasan:
47 Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako,
At (AG)nagpapasuko ng mga bayan sa akin.
48 Kaniyang inililigtas ako sa aking mga kaaway:
Oo, itinataas mo ako sa nagsisibangon laban sa akin:
Iyong inililigtas ako sa mangdadahas na tao.
49 (AH)Kaya't ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
At aawit ako ng mga pagpupuri sa iyong pangalan.
50 (AI)Dakilang kaligtasan ay ibinibigay niya sa kaniyang hari;
At nagpapakita ng kagandahang-loob sa (AJ)kaniyang pinahiran ng langis.
Kay David at sa kaniyang binhi (AK)magpakailan man.

Job 8:1-10

Ang unang pagsasalita ni Bildad. Ipinagtanggol ang katarungan ng Dios.

Nang magkagayo'y sumagot si (A)Bildad na Suhita, at nagsabi,

Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito?
At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig?
(B)Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios?
O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan?
Kung ang (C)iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya,
At kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang:
Kung hanapin (D)mong mainam ang Dios,
At iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat;
Kung ikaw ay malinis at matuwid;
Walang pagsalang ngayo'y gigising siya dahil sa iyo.
At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran.
At bagaman ang iyong pasimula ay maliit,
Gayon ma'y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam.
(E)Sapagka't ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon,
At pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang:
(F)(Sapagka't tayo'y kahapon lamang, at walang nalalaman,
Sapagka't ang ating mga kaarawan sa lupa ay (G)anino:)
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo,
At mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso?

Job 8:20-22

20 Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao,
Ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan.
21 Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa,
At ang iyong mga labi ng paghiyaw.
22 Silang nangapopoot sa iyo ay
(A)mabibihisan ng pagkahiya;
At ang tolda ng masama ay mawawala.

Mga Gawa 10:17-33

17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan.

18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng (A)tatlong tao.

20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo.

21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito?

22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.

23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila.

At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, (B)at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe.

24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa (C)Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal.

25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at (D)nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.

26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; (E)ako man ay tao rin.

27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang (F)maraming nangagkakatipon:

28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na (G)makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala (H)sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal:

29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako.

30 At sinabi ni Cornelio, (I)May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na (J)ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang (K)isang lalake na may pananamit na nagniningning,

31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios.

32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.

33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.

Juan 7:14-36

14 Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo.

15 Nagsipanggilalas nga (A)ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?

16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, (B)Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.

18 Ang nagsasalita (C)ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.

19 Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y (D)wala sa inyong gumaganap ng kautusan? (E)Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?

20 Sumagot ang karamihan, Mayroon kang (F)demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?

21 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon.

22 Ibinigay sa inyo ni (G)Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, (H)kundi sa mga magulang); (I)at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake.

23 Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao (J)sa sabbath?

24 Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.

25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?

26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. (K)Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?

27 Gayon man ay (L)nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam (M)kung taga saan siya.

28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; (N)at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin (O)ay tunay, (P)na hindi ninyo nakikilala.

29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.

30 (Q)Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: (R)at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi (S)pa dumarating ang kaniyang oras.

31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?

32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo (T)ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.

33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

34 Hahanapin ninyo ako, (U)at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.

35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa (V)nagsisipangalat sa gitna ng mga (W)Griego, at magtuturo sa mga Griego?

36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978