Book of Common Prayer
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(A) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”
Naghimagsik kay Yahweh ang Israel
14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. 2 Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang 3 kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” 4 At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.
5 Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. 6 Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. 7 Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. 8 Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 9 Huwag(B) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.
Nanalangin si Moises para sa Bayan
11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”
13 Sumagot(C) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(D) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”
20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(E) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(F) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[a] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”
Walang Sinumang Matuwid
9 Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(A) sa nasusulat,
“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(B) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(C) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(D) sila marunong matakot sa Diyos.”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(E) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.
Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.
3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot(B) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At(C) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
7 Tinanong(D) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”
8 Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito(E) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][a] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[b]
10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”
11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.