Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.
10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.[a]
12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. 2 Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. 3 Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. 4 Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[b] 5 Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.
Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. 6 Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. 7 Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. 8 “Napakawalang kabuluhan![c] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.
9 Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.
11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.
13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.
25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.
Magtulungan sa mga Pasanin
6 Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, 5 sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.
6 Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.
7 Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8 Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(A)
21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”
22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.”
23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
24 Sinabi(B) ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang(C) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat(D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.