Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2 At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]
5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6 Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]
8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9 Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
sinubok mo kami upang dumalisay;
at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
sinubok mo kami sa apoy at baha,
bago mo dinala sa dakong payapa.
13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]
16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.
20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
Ang Pagsusugo kay Ezekiel
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” 2 Kasabay noon, nilukuban ako ng kanyang Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang kanyang sasabihin. 3 Ang sabi niya, “Ezekiel, anak ng tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. 4 Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh. 5 Makinig man sila o hindi, malalaman nilang may isang propeta sa kanilang kalagitnaan. 6 Huwag kang matatakot sa kanila kahit pagbantaan ka nila, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagama't sila'y talagang mapaghimagsik. 7 Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo, pagkat sila'y talagang mapaghimagsik.
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[a] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
2 Makalipas(A) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2 Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. 3 Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito 4 kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6 Ngunit(B) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. 7 Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. 9 Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.