Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Mga Awit 29

Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos

Awit ni David.

29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
    kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
    sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
    ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
    umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
    at punung-puno ng kadakilaan.

Maging mga punong sedar ng Lebanon,
    sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
    parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.

Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
    inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
    at nakakalbo pati ang mga gubat,
    lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”

10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
    nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
    at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.

Mga Awit 8

Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
    Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
    kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
    pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
    sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
    mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
    lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
    at lahat ng nilikhang nasa karagatan.

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!

Mga Awit 84

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

Levitico 8:1-13

Ang Pagtatalaga sa mga Pari(A)

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa at tipunin mo roon ang buong bayan.”

Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.

Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.

10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. 11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. 12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. 13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.

Levitico 8:30-36

30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.

31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Ang matira ay inyong susunugin. 33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. 34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. 35 Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” 36 Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

Mga Hebreo 12:1-14

Ama Natin ang Diyos

12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan(A) na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?

“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
    at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”

Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at mga Tagubilin

12 Dahil(B) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(C) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.

14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.

Lucas 4:16-30

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)

16 Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 “Ang(B) Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
    sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
    at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
19     at upang ipahayag ang panahon
    ng pagliligtas ng Panginoon.”

20 Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”

22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.

23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(C) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(D) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(E) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(F) dinami-dami ng mga may ketong[a] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”

28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.