Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 63

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
    sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
    kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
    ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
    Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.

Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
    at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.

15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
    sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
    nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
    ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
    at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.

19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
    mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
    kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
    kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
    sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!

Exodo 28:1-4

Ang Kasuotan ng mga Pari(A)

28 “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari.

Exodo 28:30-38

30 Ilalagay(A) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.

Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(B)

31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(C) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

1 Juan 2:18-29

Ang Kaaway ni Cristo

18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.

20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon. 29 Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos.

Marcos 6:30-44

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(B) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[a]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.