Book of Common Prayer
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Ang Sampung Utos(A)
20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: 2 “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag(B) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag(C) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag(D) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi(E) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 9 Anim(F) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim(G) na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang(H) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag(I) kang papatay.
14 “Huwag(J) kang mangangalunya.
15 “Huwag(K) kang magnanakaw.
16 “Huwag(L) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag(M) (N) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Natakot ang mga Israelita(O)
18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”
20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.
Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya
24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. 29 Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kalakasang kaloob sa akin ni Cristo.
2 Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. 2 Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo.[a] 3 Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.
4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita. 5 Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.
Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo
6 Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. 7 Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
7 Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.