Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Exodo 25:1-22

Mga Handog para sa Santuwaryo(A)

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo.

Ang Kaban ng Tipan(B)

10 “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 11 Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. 12 Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 13 Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto 14 at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. 15 Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. 16 Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban.

17 “Gumawa(C) ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 18 Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, 19 tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. 20 Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. 21 Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. 22 Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita.

Colosas 3:1-17

Yamang binuhay(A) kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Dati at Bagong Buhay

Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.

Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag(B) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(C) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.

12 Kaya(D) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(E) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[b] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(F) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.

Mateo 4:18-25

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(A)

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(B)

23 Nilibot(C) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.