Book of Common Prayer
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
7 Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob.
8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
9 Ang(B) tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
10 sa(C) harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,
para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
11 Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,
bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.”
12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,
kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili.
13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,
kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
14 Sinuman(D) ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,
ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,
ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
16 Sa(E) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(F) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(G) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(H) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(I) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
23 Sa(J) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(K) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
26 Saka(L) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(M) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(N) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(O) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(P) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(Q) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(R) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(S) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
37 Pagkatapos(T) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(U) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(V) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(W) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(X) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
Pinagtibay ang Kasunduan
24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. 2 Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”
3 Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” 4 Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. 6 Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. 7 Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”
8 Pagkatapos,(A) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
9 Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.
Si Moises sa Bundok ng Sinai
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”
15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(B) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. 9 Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Sa(A) pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong(B) dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa(C) ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. 15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.
16 Kaya't(D) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(E) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
20 Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman.
Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(A)
12 Nang(B) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(C) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain(D) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag.”
17 Magmula(E) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.