Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 95

Awit ng Pagpupuri sa Dios

95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
    Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
    at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
    Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
Dahil siya ang ating Dios
    at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
    Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
    At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”

Salmo 32

Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
    at walang pandaraya sa kanyang puso.

Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
    buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
Araw-gabi, hirap na hirap ako
    dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
    Nawalan na ako ng lakas,
    tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
    hindi ko na ito itinago pa.
    Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
    At pinatawad nʼyo ako.

Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
    habang may panahon pa.
    Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
    hindi sila mapapahamak.
Kayo ang aking kublihan;
    iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
    at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.

Sinabi ng Panginoon sa akin,
    “Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita habang binabantayan.
Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
    na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
    ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
    Kayong mga namumuhay ng tama,
    sumigaw kayo sa galak!

Salmo 143

Panalangin sa Oras ng Kahirapan

143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
    Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
    Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
    dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
Tinugis ako ng aking mga kaaway.
    Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
    tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
    at punong-puno ng takot ang puso ko.
Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
    pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
    kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
    Nawawalan na ako ng pag-asa.
    Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
    Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
    dahil sa inyo ako nananalangin.
Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
    dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
    dahil kayo ang aking Dios.
    Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
    Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
    lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Salmo 102

Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis

102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
    Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
    at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
Akoʼy parang damong nalalanta na.
    Wala na akong ganang kumain
dahil sa labis na pagdaing.
    Parang butoʼt balat na lang ako.
Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
    at kuwago sa mga lugar na walang tao.
Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
    Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
Hindi ako kumakain;
    umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
    dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
    at nalalantang gaya ng damo.

12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
    at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
    dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
    kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
    At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
    ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
    at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.

18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
    upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
    tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
    at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
    at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
    at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
    at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
    “O aking Dios na buhay magpakailanman,
    huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
    Maluluma itong lahat tulad ng damit.
    At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
    at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”

Salmo 130

Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap

130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
    sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
    at umaasa sa inyong mga salita.
Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.

Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
    dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Jonas 3-4

Pumunta si Jonas sa Nineve

Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.

Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”

Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[a] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”

10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”

Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[b] at marami ring mga hayop?”

Hebreo 12:1-14

Ang Dios na Ama Natin

12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.

Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:

    “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
    at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon.

Lucas 18:9-14

Ang Kwento tungkol sa Pariseo at sa Maniningil ng Buwis

May mga tao roon na matuwid ang tingin sa sarili at humahamak sa iba. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: 10 “May dalawang lalaking pumunta sa templo upang manalangin. Ang isaʼy Pariseo at ang isaʼy maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin tungkol sa kanyang sarili. Sinabi niya, ‘O Dios, nagpapasalamat ako sa inyo dahil hindi ako katulad ng iba na magnanakaw, mandaraya at mangangalunya o katulad ng maniningil ng buwis na iyon. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo, at nagbibigay ako ng ikapu[a] ng lahat ng kinikita ko!’ 13 Ang maniningil naman ng buwis ay nakatayo sa malayo, at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘Dios ko, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan.’ 14 Sinasabi ko sa inyo na ang maniningil ng buwis na iyon ay umuwing itinuring nang matuwid ng Dios, ngunit ang Pariseo ay hindi. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®