Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 26

Ang Panalangin ng Taong Matuwid

26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan,
    dahil akoʼy namumuhay nang matuwid,
    at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan.
Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon.
    Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan,
dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal,
    at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan.
Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap.
Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao,
    at hindi ako nakikisama sa kanila.
6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan.
    Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon,
    na umaawit ng papuriʼt pasasalamat.
    Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan,
    na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian.
9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan,
    gaya ng mga mamamatay-tao.
    Palagi silang handang gumawa ng masama,
    at nanghihingi ng suhol.
11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid,
    kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan.

12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b]
    kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon.

Salmo 28

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
    Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
    Humingi ako sa inyo ng tulong,
    habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
    Nagkukunwari silang mga kaibigan,
    pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
    Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
Binalewala nila ang inyong mga gawa.
    Gaya ng lumang gusali,
    gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
Purihin kayo, Panginoon,
    dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
    Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
    Tinutulungan nʼyo ako,
    kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
    Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
    Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
    at kalungin magpakailanman.

Salmo 36

Ang Kasamaan ng Tao at ang Kabutihan ng Dios

36 Pumapasok sa puso ng masamang tao ang tukso ng pagsuway,
    kaya wala man lang siyang takot sa Dios.
Dahil mataas ang tingin niya sa kanyang sarili,
    hindi niya nakikita ang kanyang kasalanan para kamuhian ito.
Ang kanyang mga sinasabi ay puro kasamaan at kasinungalingan.
    Hindi na niya iniisip ang paggawa ng ayon sa karunungan at kabutihan.
Kahit siyaʼy nakahiga, nagpaplano siya ng masama.
    Napagpasyahan niyang gumawa ng hindi mabuti,
    at hindi niya tinatanggihan ang kasamaan.

Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
    ay umaabot hanggang sa kalangitan.
Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
    Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
    Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
    Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
    tulad ng pagkalinga ng inahing manok
    sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
    at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
    Pinapaliwanagan nʼyo kami,
    at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
    at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Huwag nʼyong payagang akoʼy tapakan ng mga mapagmataas
    o itaboy ng mga masasama.
12 Ang masasamang tao ay mapapahamak nga.
    Silaʼy babagsak at hindi na muling makakabangon.

Salmo 39

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Deuteronomio 6:16-25

16 Huwag ninyong susubukin ang Panginoon na inyong Dios kagaya ng ginawa ninyo sa Masa. 17 Sundin ninyo ang kanyang mga utos, mga katuruan at mga tuntunin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 18 Gawin ninyo ang tama at mabuti sa paningin ng Panginoon para maging mabuti ang inyong kalagayan at maangkin ninyo ang magandang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 19 Itataboy niya sa inyong harapan ang lahat ng inyong mga kaaway ayon sa kanyang sinabi.

20 “Sa darating na panahon, kung magtanong ang inyong mga anak, ‘Ano po ba ang ibig sabihin ng mga katuruan, tuntunin at kautusan na iniutos ng Panginoon na ating Dios?’ 21 Sabihin ninyo sa kanila, ‘Mga alipin kami noon ng hari[a] ng Egipto, pero inilabas kami roon ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nakita namin ang mga dakilang himala at mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa pagpaparusa sa mga mamamayan ng Egipto, kasama ng Faraon at ng buong sambahayan niya. 23 At inilabas niya kami sa Egipto para dalhin sa lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno. 24 Inutusan kami ng Panginoon na sundin namin ang lahat ng mga tuntuning ito at gumalang sa kanya na ating Dios, para lagi kaming maging maunlad at mabuhay nang matagal gaya ng nangyayari ngayon. 25 At kung susundin lang nating mabuti ang lahat ng mga utos na ito ng Panginoon na ating Dios, gaya ng iniutos sa atin, magiging matuwid tayo sa kanyang paningin.’

Hebreo 2:1-10

Babala sa mga Lumilihis ng Landas

Kaya dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin para hindi tayo maligaw. Isipin ninyo: Ang Kautusang ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at tumanggap ng kaukulang parusa ang bawat taong lumabag o sumuway dito. Kaya hindi tayo makakaligtas kung babalewalain natin ang dakilang kaligtasang ito. Ang Panginoon mismo ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. Pinatunayan din ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa, at ibaʼt ibang kakayahang kaloob ng Banal na Espiritu na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban.

Dumating ang Kaligtasan sa Pamamagitan ni Cristo

Ngayon, tungkol sa mundong darating na sinasabi namin, hindi ito ipinamahala ng Dios sa mga anghel. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan:

    O Dios, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Sa maikling panahon ginawa ninyong mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo siya bilang hari,     at ipinasakop nʼyo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”[a]

Ang sinasabi ng Kasulatan na ipinasakop ang lahat ng bagay sa tao ay nangangahulugang darating ang araw na walang anumang bagay na hindi maipapasakop sa tao. Pero ngayon, hindi pa natin nakikita na sakop ng tao ang lahat ng bagay. Ngunit kung tungkol kay Jesus, alam natin na sa maikling panahon naging mas mababa ang kalagayan niya kaysa sa mga anghel, para maranasan niyang mamatay para sa lahat sa pamamagitan ng biyaya ng Dios. At ngayon, binigyan siya ng karangalan at kadakilaan dahil tiniis niya ang kamatayan. 10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan.

Juan 1:19-28

Ang Patotoo ni Juan tungkol kay Jesus(A)

19-20 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan. 22 “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

    ‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,
    Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”[a]

24 Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.[b] 25 Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”[c]

28 Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®