Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 101

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Salmo 109:1-30

Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan

109 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!
Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.
    Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.
Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,
    ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.
Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.
    At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.
Sinasabi nila,[a]
    “Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,
    at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.
At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,
    at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.
Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.
At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.
10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anak
    at palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.
11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,
    at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.
12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.
13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.
14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;
    at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.
16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,
    sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.
17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.
    Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.
18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.
    Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,
    at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.
19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”

20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.
21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.
    Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.
22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.
23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,
    at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.
24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.
    Akoʼy payat na payat na.
25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.
    Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.
26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.
27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.
28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.
    Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.
29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,
    mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30 Pupurihin ko ang Panginoon,
    pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

Salmo 119:121-144

121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
    huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
    upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
    dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
    nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.

129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
    kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
    gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
    at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
    upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
    at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.

137 Matuwid kayo, Panginoon,
    at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
    kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
    at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
    ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
    Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.

Isaias 63:15-64:9

15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[a] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.

17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.

64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan.

1 Timoteo 3

Ang mga Namumuno sa Iglesya

Totoo ang kasabihan na ang nagnanais na mamuno sa iglesya ay nagnanais ng mabuting gawain. Kailangan na ang namumuno ay walang kapintasan,[a] iisa ang asawa, marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at magaling magturo. Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya? Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ni Satanas. Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya para hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya:[b] kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi sakim. Kailangang iniingatan nila nang may malinis na konsensya ang ipinahayag na katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Cristo. 10 Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod. 11 Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. 12 Dapat iisa lang ang asawa ng mga tagapaglingkod at mahusay mamahala ng kanilang pamilya. 13 Ang mga naglilingkod nang mabuti ay iginagalang ng mga tao at hindi na natatakot magsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:

    Nagpakita siya bilang tao,
    pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
    nakita siya ng mga anghel,
    ipinangaral sa mga bansa,
    pinaniwalaan ng mundo,
    at dinala sa langit.

Marcos 11:27-12:12

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)

27 Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Jesus sa templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 28 Tinanong nila si Jesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito?[a] Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 30 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[b] o sa tao? Sagutin ninyo ako!” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 32 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao.” (Takot sila sa mga tao dahil naniniwala ang mga tao na si Juan ay propeta ng Dios.) 33 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(B)

12 Nangaral si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya iyon at nagpagawa siya ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta siya sa malayong lugar. Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin sa mga magsasakang umuupa ng kanyang ubasan para kunin ang parte niya. Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang alipin at binugbog, at pinaalis nang walang dala. Nagsugo ulit ang may-ari ng isa pang alipin, pero ipinahiya nila ito at hinampas sa ulo. Muli pang nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, pero pinatay nila ito. Marami pang isinugo ang may-ari, pero ang ibaʼy binugbog din at ang ibaʼy pinatay. Sa bandang huli, wala na siyang maisugo. Kaya isinugo niya ang pinakamamahal niyang anak. Sapagkat iniisip niyang igagalang nila ang kanyang anak. Pero nang makita ng mga magsasaka ang kanyang anak, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin na ang lupang mamanahin niya.’ Kaya sinunggaban nila ang anak, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.”

Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan. 10 Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?

‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[c]
11 Gawa ito ng Panginoon
    at kahanga-hanga ito sa atin!’ ”[d]

12 Alam ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya pinabayaan na lang nila si Jesus, at umalis sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®