Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 75-76

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Sa Dios ang Tagumpay

76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
    at sa Israel ay dakila siya.
Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[d]
Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
    ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[e]
Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
    wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[f] ang mga kawal[g] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
Kaya dapat kayong katakutan.
    Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
Mula sa langit ay humatol kayo.
    Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
nang humatol kayo, O Dios,
    upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[h] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
    Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
    kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Salmo 27

Panalangin ng Pagtitiwala

27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
    Sino ang aking katatakutan?
    Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
    sila ang nabubuwal at natatalo!
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
    hindi ako matatakot.
    Kahit salakayin nila ako,
    magtitiwala ako sa Dios.
Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
    na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
    upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
    at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
    at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
    Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
    umaawit at nagpupuri.

Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
    Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
    kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
    Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
    Kayo na laging tumutulong sa akin,
    huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
    kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
    Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
    dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
    dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
    at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
    habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
    Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
    Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Isaias 57:3-13

Pero kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan. Kinukutya ninyo ang mga taong matuwid, nginingiwian at binebelatan ninyo sila. Lahi kayo ng mga rebelde at mga sinungaling. Sinasamba ninyo ang inyong mga dios-diosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing nʼyong banal. Inihahandog ninyo ang inyong mga anak sa mga daluyan ng tubig sa paanan ng mga burol. Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong dios at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan. Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at naghahandog ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik. Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga dios-diosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.

Pumunta kayo sa dios-diosan ninyong si Molec. Marami ang dala ninyong langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga dios-diosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa. 10 At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11 Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon? 12 Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo. 13 At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa[a] at sasamba sa aking banal na bundok.

Galacia 5:25-6:10

25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito. 26 Huwag tayong maging mapagmataas, huwag nating galitin ang ating kapwa, at iwasan ang inggitan.

Magtulungan Tayo

Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Marcos 9:14-29

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”

25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®