Book of Common Prayer
12 Subalit nang si Galio ang naging gobernador ng Acaia, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. 13 Kanilang sinabi, “Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas.” 14 At nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, may dahilan akong pakinggan kayong mga Judio. 15 Subalit dahil ang usaping ito'y tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling batas, kayo na ang bahala rito. Ayaw kong maging hukom sa mga bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang tagapamahala ng sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi iyon pinansin ni Galio.
Ang Muling Pagbabalik sa Antioquia
18 Nanatili pa roon si Pablo ng ilang araw, at pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid. Bago siya naglayag, nagpaahit siya ng buhok sa Cencrea, dahil siya'y may panata. Buhat doo'y naglakbay siya patungong Syria, kasama ang mag-asawang sina Priscila at Aquila. 19 Pagdating nila sa Efeso ay iniwan niya roon ang dalawa, ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagpaliwanagan sa mga Judio. 20 Nang siya'y pakiusapan nilang tumigil pa roon nang mas mahabang panahon, hindi siya pumayag. 21 Ngunit sinabi niya nang siya'y nagpaalam sa kanila, “Babalik ako sa inyo kung loloobin ng Diyos.” At siya'y naglayag buhat sa Efeso. 22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya, pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. 23 Pagkatapos tumigil doon nang ilang panahon, siya'y muling naglakbay at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, habang pinalalakas ang pananampalataya ng mga alagad.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Mahusay siyang magsalita at dalubhasa sa Kasulatan. 25 Naturuan ang taong ito tungkol sa Daan ng Panginoon. Maalab siyang nangaral at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay hanggang sa bautismo ni Juan. 26 Siya'y nagsimulang magsalita nang buong tapang sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila ay kanilang inanyayahan siya sa bahay nila at ipinaliwanag sa kanya nang mas mabuti ang Daan ng Diyos. 27 Nang ibig na niyang tumawid patungong Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad doon na siya'y malugod na tanggapin. Pagdating niya roon, malaki ang kanyang naitulong sa mga taong sumampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 28 Sapagkat makapangyarihan niyang dinaig sa harap ng madla ang mga Judio, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayang si Jesus ang Cristo.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
22 Pumasok sila sa Bethsaida at dinala sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap na kanyang hipuin. 23 Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bulag at inakay palabas ng nayon. Niluraan niya ang mga mata nito, ipinatong ang kanyang mga kamay at tinanong, “Mayroon ka bang nakikita?” 24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita po ako ng mga tao, parang mga punongkahoy na naglalakad.” 25 Muling ipinatong ni Jesus ang kanyang kamay sa mga mata ng lalaki. Iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Pinauwi siya ni Jesus at pinagbilinan, “Huwag ka nang pumasok sa nayon.”
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos. Habang sila'y nasa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 28 Sumagot (B) sila, “Sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba'y si Elias, at ng iba'y isa sa mga propeta.” 29 “At kayo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (C) tanong niya sa kanila. Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo.”[a] 30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.