Book of Common Prayer
Ang Pagpapagaling kay Aeneas
32 Naglakbay si Pedro sa iba't ibang dako upang dalawin silang lahat, gayundin ang mga banal na naninirahan sa Lidda. 33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking ang pangalan ay Aeneas. Ito ay lumpo at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Bumangon ka at ayusin ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon. 35 Nakita siya ng lahat ng mga mamamayan ng Lidda at Sharon, at sila'y nagbalik-loob sa Panginoon.
Ang Pagbuhay kay Dorcas
36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.
60 Nang marinig nila ito, marami sa kanyang mga alagad ang nagsabing, “Mahirap na turo ito, sino ang may kayang tumanggap nito?” 61 Alam ni Jesus na nagbubulungan sila tungkol dito kaya sinabi niya, “Ikinagalit ba ninyo ang sinabi ko? 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 (A)Ang espiritu ang nagbibigay ng buhay, ang laman ay walang pakinabang; ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat alam na ni Jesus sa simula pa lamang ang mga hindi naniniwala, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 At sinabi niya, “Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ito ng Ama.” 66 Pagkatapos nito marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Nais din ba ninyong umalis?” 68 (B)Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at sumasampalataya kami, at nakatitiyak kami na kayo nga ang Banal ng Diyos.” 70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayong labindalawa, at isa sa inyo ay diyablo?” 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas, anak ni Simon Iscariote, ang isa sa labindalawa na magkakanulo sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.