Book of Common Prayer
8 Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.
Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya
Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria. 2 Inilibing si Esteban ng mga lalaking masigasig sa kabanalan. Tumangis sila nang malakas dahil sa kanya. 3 Samantala'y winawasak ni Saulo ang iglesya. (A) Pinapasok niya ang mga bahay-bahay, kinakaladkad at ibinibilanggo ang mga lalaki't babae.
Ang Pangangaral sa Samaria
4 Ang mga nagkawatak-watak nama'y naglakbay na ipinapahayag ang salita. 5 Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. 6 Nang marinig ng maraming tao ang mga sinabi ni Felipe at nang makita ang mga himalang ginawa niya, nagkaisa silang bigyan ng pansin ang kanyang sinasabi. 7 Sapagkat lumalabas ang masasamang espiritu na sumisigaw nang malakas mula sa maraming taong sinapian; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. 8 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. 9 Ngunit isang taong nagngangalang Simon, ang gumagamit noong una ng salamangka sa lungsod; pinahahanga niya ang mga mamamayan ng Samaria at sinasabi niyang siya'y magaling. 10 Nakinig sa kanya ang lahat, buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sabi nila, “Ang taong ito ang tinatawag na dakilang kapangyarihan ng Diyos.” 11 Nakinig sila sa kanya, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay napahanga niya sila ng kanyang mga salamangka. 12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. 13 Mismong si Simon ay naniwala, at pagkatapos mabautismuhan ay nanatiling kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga himala at ng mga makapangyarihang gawa.
30 Hindi ako gumagawa nang ayon sa aking sariling kapangyarihan. Humahatol ako ayon sa naririnig ko. At ang hatol ko ay makatarungan, sapagkat hindi ko hangad ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Mga Patotoo tungkol kay Jesus
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo para sa aking sarili, ang aking patotoo ay hindi kapani-paniwala. 32 May iba pang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong ang patotoo niya ay kapani-paniwala. 33 (A)Kayo mismo ang nagpadala kay Juan ng mga sugo, at ang sinabi niya ay totoo. 34 Hindi sa kailangan ko ng patotoo ng tao, kundi sinasabi ko ang mga ito upang kayo ay maligtas. 35 (B)Si Juan ay ilawang nagliliyab at nagliliwanag, at ginusto ninyong masiyahan kahit sandali sa kanyang liwanag. 36 Ngunit ako mismo ay may patotoo na higit kaysa patotoo ni Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama upang gampanan, na siya namang ginagawa ko, ay nagpapatunay na ako ay sinugo ng Ama. 37 (C)Ang Ama na nagsugo sa akin ay siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nananatili sa inyo ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kanyang isinugo. 39 (D)Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga ito'y magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuring mula sa mga tao. 42 Subalit kilala ko kayo; wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at hindi ninyo ako tinatanggap; subalit kung may isang darating sa sarili niyang pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala kung kayu-kayo ang pumupuri sa inyong sarili, at hindi ninyo hinahangad ang papuri mula sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal sa inyo sa harapan ng Ama. Ang nagsasakdal sa inyo ay si Moises na siyang pinaglalagakan ninyo ng pag-asa. 46 Kung pinaniwalaan ninyo si Moises, sana'y pinaniwalaan din ninyo ako, sapagkat siya ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinabi ko?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.