Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 120-127

Dalangin para Tulungan ng Dios

120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot.

Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.

Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.

Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat

121 Tumitingin ako sa mga bundok;
    saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
    Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Pakinggan mo ito!
    Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
    siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
    pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
    ngayon at magpakailanman.

Papuri sa Jerusalem

122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
    “Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
    “Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”

Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
    “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.

Dalangin para Kahabagan

123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
    sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
    naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.

Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan

124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?
    Sumagot kayo mga taga-Israel!

“Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
Purihin ang Panginoon,
    dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
    na parang mababangis na hayop.
Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
    sa halip ay nananatili magpakailanman.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
    ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
    dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.

Dalangin para Iligtas

126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[b] parang itoʼy panaginip lang.
Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
    At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
    “Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
    at punong-puno tayo ng kagalakan.

Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
    tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Exodus 5:1-6

Nakipag-usap sina Moises at Aaron sa Hari ng Egipto

Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon[a] at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang mga mamamayan ko, para makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”

Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon para makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”

Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Dios ng mga Israelita. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa ilang para makapaghandog kami sa Panginoon naming Dios, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”[b]

Pero sinabi ng hari ng Egipto, “Bakit ninyo patitigilin sa pagtatrabaho ang mga tao? Bumalik na kayo sa trabaho! Tingnan ninyo kung gaano kadami ang mga taong patitigilin ninyo sa pagtatrabaho.”

Nang araw na iyon, nag-utos ang Faraon sa mga Egipciong namamahala sa mga Israelita sa trabaho at sa mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, “Hindi na kayo magbibigay sa mga trabahador ng mga dayaming gagamitin sa paggawa ng tisa, kundi sila na mismo ang maghahanap nito. Pero kailangang ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin nila. Mga tamad sila, iyan ang dahilan na nakikiusap silang paalisin ko sila para makapaghandog sa kanilang Dios. Pagtrabahuhin pa ninyo sila nang matindi para lalo silang maging abala at mawalan ng panahong makinig sa mga kasinungalingan.”

10 Kaya pinuntahan nila ang mga Israelita at sinabi, “Nag-utos ang Faraon na hindi na namin kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang maghahanap nito kahit saan, pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.” 12 Kaya kumalat ang mga Israelita sa buong Egipto sa pangunguha ng dayami. 13 Pinagmamadali sila ng mga namamahala sa kanila at sinasabi, “Dapat ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo bawat araw, kagaya ng ginagawa ninyo noong binibigyan pa kayo ng dayami.” 14 Pagkatapos, hinagupit nila ang mga kapatas na Israelita at tinanong, “Bakit hindi ninyo nagawa kahapon at ngayon ang dating bilang ng mga tisang ipinapagawa sa inyo, kagaya ng ginagawa ninyo noon?”

15 Kaya pumunta ang mga kapatas sa Faraon at nagreklamo, “Bakit ganito ang trato nʼyo sa amin na inyong mga lingkod? 16 Hindi kami binibigyan ng dayami, pero pinipilit kaming gumawa ng ganoon pa rin kadaming tisa. Binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang mali!”

17 Sinabi ng Faraon, “Napakatatamad ninyo! Iyan ang dahilan kung bakit nakikiusap kayong paalisin ko kayo para makapaghandog kayo sa Panginoon. 18 Bumalik na kayo sa mga trabaho nʼyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”

19 Dahil sa ipinilit ng Faraon na gawin nila ang dami ng tisang ipinapagawa sa kanila araw-araw. Napag-isip-isip ng mga kapatas na Israelita na mahihirapan sila. 20 Pagkagaling nila sa Faraon, nakita nila sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila kina Moises at Aaron, “Parusahan sana kayo ng Panginoon. Dahil sa inyo nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Magiging dahilan nila ang ginawa ninyo para patayin kami.”

Ang Pangako ng Dios na Ililigtas ang mga Israelita

22 Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon, bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila? 23 Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Dahil sa kapangyarihan ko, papayagan niyang umalis kayo sa bayan niya. Itataboy pa nga niya kayo.”

1 Corinto 14:20-33

20 Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo. 21 Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,

    “Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,
ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”[a]

22 Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait? 24 Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan. 25 Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.

Ang Maayos na Pagsamba

26 Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan. 29 Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi. 30 Ngayon, kung sa mga nakaupo ay may pinagkalooban ng mensahe ng Dios, dapat tumahimik na ang nagsasalita upang makapagsalita naman ang iba. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring makapagpahayag ng mensahe ng Dios nang isa-isa, upang matuto ang lahat at mapalakas ang kanilang pananampalataya. 32 Ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay dapat may pagpipigil sa sarili.[b] 33 Sapagkat ang Dios ay hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan.

Tulad ng nakaugalian sa lahat ng iglesya ng mga pinabanal[c] ng Dios,

1 Corinto 14:39-40

39 Kaya mga kapatid, pakahangarin ninyong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios, at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan. 40 Ngunit gawin ninyo ang lahat sa maayos at wastong paraan.

Marcos 9:42-50

Mga Dahilan ng Pagkakasala(A)

42 “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44 Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48 Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.

49 “Sapagkat ang lahat ay aasinan[a] sa apoy. 50 Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,[b] wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®